Saturday, August 27, 2011

four

Susana bagets din naman itong si mina (the bagyo), kung kailang walang pasok ay saka naman pumasyal sa pinas. Marami namang araw na puede siyang pumasyal dito sa pinas. Sayang naman kasi ang long weekend (4 day), ang ganda pa naman ng plano ko sa long weekend. Day 1.-Mag-iihaw ng seafood at iinom ng alak. Day 2-Magluluto ng papaitang yagbols ng baka at iinum ng alak. Day 3-Magkikilaw ng tanigue at iinom ng alak. Day 4-Mag-iihaw ng liempo, tuna belly at iinom ng alak. At dahil nga sa biglang pagdating ng hinayupak ng bagyong mina, eto ako ngayon. Day 1 pa lang ay naglilimas ng tubig sa loob ng bahay at iinom ng aspirin para mawala ang konsumisyon ko sa pumapatak na tubig galing sa bubong papunta sa mismong kama ko.

Pero teka, bakit ko sisirain ang araw ko dahil lang sa pagbaha sa loob ng haybol namin at pagpatak ng tubig ulan sa kama ko. May naiisip ako para maging kapaki-pakinabang naman ang unang araw ng long weekend ko. Ang solusyon? kesa limasin ko ang tubig baha sa loob ng bahay ko ay doon ko ibinabad ang iinomin kong alak para lumamig na siya at yung pumapatak na tubig ulan mula sa bubong?. Ah doon ko itatapat yung ihawan para kapag umapoy yung iniihaw kong liempo, hindi ko na kailangang wisikan ng tubig, bahala na yung patak ng ulan galing sa bubong para masawata yung umaapoy na ihawan. Debest long weekend.

Sunday, June 19, 2011

boy liit


boy liit with kuya e.


Ang bilis talaga ng panahon at ng buhay ng tao. Kasi ba nanam ay nagulat ako sa nabalitaan ko na yun palang isang kaibigan namin sa kuwadradong mesa ay pumanaw na. Naikuwento sa akin ni Kuya E. nung malibis kami sa teritoryo niya kahapon na dedo na nga si boy mercado a.k.a boy liit. Kaya kami nagulat ay dahil kasama lang namin siya nung Feb. 05, 2011, dahil nag birthday si Kuya E. Panay pa nga ang bida ni boy tungkol dun sa bagong bike niya na ginagamit niya tuwing linggo pagpunta sa luneta.

Ang kuwento sa amin ay nagbalik-bayan daw yung nanay ni boy galing amerika para dito sa pinas magdiwang ng kaarawan, matapos ay muling bumalik ang ermat niya sa amerika, pero pag dating daw sa airport ay inatake ang ermat ni boy at ayun nadedo. Tapos, masyado daw ikinalungkot ni boy liit ang pagkawala ng ermat niya, kaya isang buwan lang ay si boy liit naman ang sumunod, ano ba yan.

Saturday, May 28, 2011

chedeng is mercedez sa pinas

Yehey, sabado na naman at puede na ulit humilata maghapon habang nagbabasa ng ebooks. Pero siempre dapat umpisahan ang araw sa pag eehersisyo, kasi sabi nga ng mga doktor, an apple a day keeps the doctor alive...ganun ba yun. Pero paano ka naman makakapag ehersisyo (walking) kung ganitong masama ang panahon. Ibang klase talaga ang mga weather forecasters natin dito sa pinas, masyadong tinakot ang mga pipol. Kasi ba naman, lunes pa lang ata ay nasa news na ang malakas na bagyong (chedeng) na darating daw sa pinas. Ngayon lang yata ako nakakita na halos lahat ng tao sa pinas ay pinaghanda para sa isang malakas na bagyo. Sabi pa nung mga weather forecasters ay siguradong sa huwebes (may 26) ang landfall daw ng bagyong chedeng sa kamaynilaan. Hayun dumating ang araw ng huwebes at ang taas ng sikat ng araw...FAIL.

Saturday, May 21, 2011

this is the end...

Ngayon na raw ang katapusan ng buhay sa mundo, yun ang sabi nung mga lintek na propeta na kala mo ay may direct na kontak kay jesus kaya alam nila kung kailan mag eexpire ang haybu sa earth. Kaya ako bilang paghahanda na rin sa katapusan ng mundo, nilinis ko na ang buong bahay namin at pinagtatapon ko yung mga bagay/kalat na ilang taon na rin namang nakatengga sa haybol namin.

Pero teka, paano nga kaya kung sakaling dumating ang araw ng katapusan ng mundo. Hindi mo kasi masisisi yung iba jan, dahil sa nakita nilang malakas na lindol at tsunami sa japan. Puede talagang mangyari, pero parang masyado pang maaga para tapusin na ang buhay sa mundo. Kasi ang sabi nung iba ay sa dec. 12, 2012 pa. May gumawa pa nga ng pelikula niyan ay pinagkakitaan pa. At saka sana huwag munang matapos ang buhay sa mundo today, kasi may pinadala pa namang hilaw na karne ng kambing si pareng ferdie at pinapa adobo pa sa akin ngayon. Paano kaya iyon kung habang sinasangkutya ko yung kambing sa bawang, sibuyas, toyo at suka ay bigla ngang lumindol. Ah leche, kapag nangyari iyon, malamang mawalan ng pulutan yung mga tropa ko na kanina pa nag tetext sa akin kung luto na raw ba yung adobong bencabs.

P.S-Kapag nabasa nyo pa ang blog entry na ito bukas, ang ibig sabihin lang nun ay hindi natuloy yung...end of the world.

Saturday, May 14, 2011

the erms'

Yahoo, birthday na ni the ermat today, sigurado pula na naman ang mga hasang ng kids and neighbors niya. Bakit kaya ang mga noypi kapag bday ay obligadong maghanda. Wala namang masama sa paghahanda. Kaya lang kung mapapagod ka lang sa pamimili, pagluluto at pag eenterteyn sa mga bisita mo, parang hindi praktikal. Pero bakit ko ba poproblemahin yan, hindi ko naman okasyon yan. Isa lang naman ang problema ko kapag may dumarating na kaarawan sa mga oldies at nearest kin ko...yung gastos. Kasi tuwing may sumasapit na kaarawan sa mga ka tribu ko, ang madalas madisgrasya sa gastusan ay ako at yung si agent OS (our US asset).