Thursday, January 31, 2008

Get along with me babe

Masarap din yung naglalakad ka sa umaga, kasi bukod sa magandang benipisyo na ibinibigay sa katawan mo at sa puso ay nakikita mo pa ang galaw ng ibat-ibang klase ng tao. May makikita kang papauwi pa lang ng bahay pero pusturyosa pa rin. May nakasalubong naman ako na bihis na bihis na babae at may dalang dalawang bulaklak sa paso at patungo sa sementeryo. Naisip ko tuloy na baka kaarawan ng isa sa mahal niya sa buhay na yumao na, kaya maaga niya itong pupuntahan para maalayan ng bulaklak.

Ang sarap siguro kung mapapasok mo lang ang iniisip ng bawat tao, yun bang mind reading. Dito kasi matitimbang mo ang sarili mo na hindi lang pala ikaw ang maraming iniisip at inaalala kungdi halos lahat siguro ng tao ay ganito ang nasa sa isip. Naalala ko tuloy yung kantang "Just A Gigolo", yung version ni David Lee Roth at hindi ni Bing Crosby, bastos. Dun kasi sa kantang iyon ay ipinakita na tuloy lang ang takbo ng mundo kahit sino at ano pa man ang ginagawa ng isang tao.

Kaya hindi pala tayo dapat magmukmok sa isang tabi kapag may hindi magandang nangyari sa mga plano natin. Kasi hindi ka pala mapupuna ng ibang tao na nagmumukmok ka. Tuloy pa rin ang takbo ng buhay nila at walang iintindi sa iyo.

Kaya kung ako sa inyo, kapag parang natabunan ka na ng mundo dahil sa dami ng iniisip na hindi magandang nangyayari sa mga plano ninyo, pumunta ka sa pinakamalapit na inuman at kumuha ka ng isang malamig na serbesa at paluto ka ng gusto mong pulutan. Kita mo mamaya lang pumapaswit ka pa dun sa serbedora kapag dumadaan sa harap mo.

Wednesday, January 30, 2008

buckets?

Niriribisa ko yung naging chit/bill dun sa ininuman namin sa q.c na ang pangalan ay kamukha ba nung pinagtatadtaran natin ng mga bawang at sibuyas, gets nyo na?. Neweis, inisa-isa ko yung naorder namin kasi parang malaki ang naging chit/bill namin. Ginataang kuhol, inihaw na liempo, pancit bihon, hot coffee, cold vegetable cuts at calamares. Yung cold cuts at calamares ay kasama na raw dun sa promo na bucket ng beer na walong bote ang laman. Pero teka bakit may nakalagay sa order namin na baked tahong, wala naman kaming kinukuhang baked tahong at bakit tatlong bucket plus two bottles. Ang ibig nilang sabihin 3 buckets x 8 bottles = 24 bottles plus 2 bottles for banlaw, total? 26 bottles. Ganun ba karami ang nainom namin, ang ibig sabihin ay tig treseng bote ang nainom namin. Napag-usapan lang kasi namin ito kahapon habang naglalunch kami sa isang kapampangan resto jan sa west avenue. Nagtataka kasi ako, kaya ba naming dalawa ang uminon ng tig labing tatlong bote ng erbuk. Mukhang napalusutan yata kami. Kaya si Alfred na rin ang tinanong ko kung ilang ang nainom namin nung isang gabi. Alas ang mabilis na sagot niya ay 3 bucket at 2 bote pang banlaw. Tapos heto habang naglalunch kami sa isang kapampangan resto ay nag-aaya na namang uminon. Tablahin ko nga ang loko, dahil yung dapat kong inumin sana nung isang araw ay nainom ko na rin pala lahat nung isang gabi. Naka trese botelya nga kaya ako, hanggang dose lang kasi ang kaya ko at solb na ko dun.

Monday, January 28, 2008

visa card

Ayoko nang palampasin pa ito kaya kahit solb ako ay nagbukas na ako ng blogger. Kasi ba naman, pagkatapos naming magpakalucha sa erbuk hahapon at sankatutak na seafoods ay eto, tumawag naman ngayon si Alfredo at inaaya akong managhalian sa bahay nila sa makati. Siempre pa para hindi naman magtampo ang loko ay pinabigayan ko na rin. Hayun nagtampisaw kami sa nilagang bulalo at sabaw ng buko. Pagkatapos naming lumaklak ng tangahlian ay nag aya naman si loko na magpamasahe kami, kaya dinala ko si pogi sa isang thai massage parlor at dun kami nagpalipas ng tanghali. Nung maalimasmasan naman kami ay dumirecho na kami sa isang magandang inuman jan sa Q.C. In short solb ang araw namin at bundat na bundat na naman ako sa dami ng nainom ko. Ang masama pa nito ay pinauwian pa ako ng isang bagong tospik. Ang galing mo pare.

fred the godpapa

Biglang sumaya ang araw ng linggo ko, nung araw kasi kapag linggo ay family day lang sa akin ito. Siempre kapag family day ay kayo kayo lang ng pamilya mo ang naglolokohan. Pero kahapon ay bigla akong binulabog ng isang matalik na kaibigan, college buddy at kapatid sa kuwadradong mesa.

Ang tinutukoy ko ay si Alfredo na galing pa sa italy, nope hindi siya si fredo na kapatid ni michael sa pelikulang the godfather. Nagulat na lang ako nung biglang lumutang sa bahay si fred at nagyaya agad ng mamam. Sino ba naman ang tatanggi sa mga imbitang ganito lalo na at galing pa sa isang kaibigan na matagal nang hindi ko nakikita.

Para na rin makumpleto ang grupo ay niyaya ko siya sa ibang tropa namin na taga nova. Nagpasaing na agad ako sa mga tropa sa nova at bago pa man kami lumutang doon ay dumaan na kami sa palengke at bumili ng alimango, sugpo, bangus, tilapia para ihawin lahat. Pagdating naman namin sa tropa sa nova ay hinainan na agad kami ng malamig na serbesa at kasunod nito ay mainit na kanin, laing, pritong higanteng isda, ginisang toge, tahong at ihawing liempo na paboritong paborito ng isa naming tropa doon.

Kaunting kamustahan at nung makasiete litros na kami ay naglabas na ng gitara ang may ari ng bahay. Ayos muli na naman naming narinig ang mga makabayan at makahulugan awit ng ating panahon. Ang unang kinanta ni Alfredo ay yung karaniwang tao, sinundan ito ng nena, awit sa kasal, pasahero, almusal at sabay pasok sa kantang estranghero.

Nung ibaba naman niya ang gitara ay kinuha naman ito ni Boy na pinsan ng asawa ni Alfredo, puro Jim Croce, Simon and Garfunkel at CSNY naman ang binira. Saan ka pa kapag ganito na kasarap ang tugtugan at inuman. Ako, ano ang tinugtog ko? tinono ko yung alimango at isinawsaw ko sa maanghang na suka sabay lagok ng malamig na serbesa.

Sunday, January 27, 2008

sexercise

Iba pa rin talaga yung may kaunti kang ehersisyo kapag rin lang libre ang oras mo. Marami naman paraan para makapag ehersisyo tayo. Yung iba ay nagbibisikleta na kung todo porma ang bihis ala Sumalde. Ok lang iyan kasama sa pag eehersisyo yan at nakakadagdag ng sigla kapag siempre todo porma. Yung iba naman ay naglalakad lang kahit trenta minuto kada araw, isa rin kasing magandang paraan ang paglalakad para mapanatili natin ang regular na takbo ng ating puso. May nabasa naman ako, kung tamad ka daw mag ehersisyo ang gawin mo ay manligaw ka ng manligaw. Siempre pa kapag naging syota mo na iyon, malamang minsan ay mag sex kayo. Yun ang pinakamagandang ehersisyo. Nakakabawas na ng timbang, nakakaganda pa raw ng kutis. May maganda rin kayang benefits yung pagkukulong sa banyo at may dala kang FHM?

Friday, January 25, 2008

Kenny...hello...goodbye

Kung sakaling makaramdam kayo ng gutom at nasa isang sikat na mall kayo sa bandang marilao, huwag na huwag kayong magkakamaling pumasok sa isang kainan diyan na ang isa sa ipinagmamalaki nila ay ang kanilang inihaw na manok. Dahil na rin sa ganda ng mga litrato ng pagkain nila na nakadisplay sa labas ng kainan nila kaya ako naingganyo na kumain doon. Ang inorder namin, yes namin kasi may ka date ako pero that is another story. Ang inorder namin doon ay yung 2 pcs chicken combo, ito yung may kasamang iced tea na regular, isang steamed rice at gravy at saka grilled liempo combo na may kasamang chicken salad, garlic rice at bbq sauce. Dahil na rin sa hindi ko hilig kumain ng breast part ng manok, nakisuyo ako sa kanila na kung puede ay thigh part ang ibigay sa akin, kaya lang wala raw crispy thigh part. Meron lang daw legs and wings, pero kung gusto ko raw ng thigh part meron daw sila kaya lang ay yung roasted, kaya pumayag na ako. Pagdating ng inorder namin ay napuna ko agad na talo, kasi yung liempo ay napakaliit, halos ang ibinigay nila ay yung side nung taba, samantalang yung roasted chicken naman nila ay isang piraso lang dahil magkasama na raw doon yung leg at thigh. Kung paghihiwalayin mo yung leg at thigh part siguro malaki pa yung titi ko. Yung kanin naman nila ay walang kakuwenta kuwenta. Sabi nga nung ka date ko, mas maganda pa raw yung kinakainan naming karinderya kasi dun maganda ang presentation nila samantalang dito naturingan pa namang isa sa mga sikat na kainan pero ang presentation ng pagkain ay mas pangit pa kesa sa karinderya. Dinepensa ko pa nga ang kainan nila dahil sinabi ko dun sa ka date ko na may nakainan ako sa ibang branch nila (isa sa malapit sa casino sa pasay at yung isa naman ay sa ortigas) pero doon sa dalawang branch na nakainan ko ay maganda ang bigayan at presentation ng pagkain nila. May batas ba tayo na truth in advertising, kasi nung tinignan ko uli yung picture nung mga pagkain nila ay mukhang naging bonsai yung order ko. Dun kasi sa litrato ng pagkain nila ay malalaki ang nakapicture na chibog.

Wednesday, January 23, 2008

Laptop + 3g Phone = unlimited internet connection

Ito ang masarap sa tinatawag na tech race, kasi hindi mo na kailangang pumunta pa sa mga internet cafe para macheck ang email mo at masilip sandali ang mga scandal na inaupload ng mga pinoy sa web. Ang kailangan mo lang ay isang simpleng laptop, 3g phone na may sim card na smart (puede rin ang globe) at viola, kahit nasa loob ka ng banyo ay puede ka nang mag internet. Medyo may kaunting kahirapan nga lang na maconfigure para magkita ang 3g phone mo at yung laptop. Pero para sa tulad natin na hindi pa rin marunong gumamit ng remote control ng telebisyon, ang pinakamadaling paraan para maconfigure ang iyong 3g phone para magamit mong modem sa laptop mo ay pumunta ka agad sa pinakamalapit na after sales service ng smart wireless. Doon ay iaayos nila ang iyong cellphone para makasagap ng 3g connection at siguro kung dala mo na rin ang software ng nasabing phone mo ay iinstall lang ito sa laptop at pagkatapos ay connected ka na either via usb cable, bluetooth (mula kay Viking King Harald Bluetooth, United Norway and Denmark) at Infrared Port. Kaya lang may kaunting kunsumo ito sa load ng cellphone mo, kaya kung gusto mong mag internet thru wifi at nagtitipid ka, dun ka manirahan sa malapit sa Araneta Center Cubao, dahil doon ay libre ang wifi, kuripot.

Monday, January 21, 2008

boracay redux

Iba talagang klase sa boracay, kapag nandoon ka ay para bang ayaw mo nang bumalik sa manila. kung ako nga lang ang masusunod mas gusto ko na talagang doon na lang manirahan, kahit ang maging trabaho ko doon ay taga lagay lang ng sun block ng mga dayuhang tisay.

Isa pang gusto ko sa lugar na iyan ay yun bang mga nagpapalagay ng henna tattoo sa likod nila na halos malapit na dun sa guhit ng mga wetpaks nila. Ang dami na sigurong nahawakang wetpaks nung mga tattoo artist jan. Ilang buwan kaya ang training para maging tattoo artist?

Dito masarap jumutz habang tinatanaw mo ang mga nagsisipaligong hipokrita na kung todo naka bikini na halos lumabas na ang mga buwakang inang mga katawan nila. Pero kapag nakita mong naliligo sa mga swimming pool sa manila ay nakabikini nga pero nakatapis naman ng tuwalya. Ano ba ang pinagka-iba ng naliligo ka sa bora at sa pansol.

Ang sabi ng mga lokal sa bora, kapag rin lang wala kang kuha sa tabi ng willy's rock ay hindi ka talaga nakarating sa bora. Kaya ako pagdating ko pa lang ay dun agad ako nagpakuha, buset hindi ng bato kundi doon ako nagpakuha ng picture sa tabi ng bato...nalimutan ko tuloy ang sasabihin ko ang gugulo ninyo.

Ang sarap sigurong maglagay ng maliit na mesa dito at pagkatapos ay mag-ihaw ng tiyan at panga ng tuna habang bumibira ng malamig na serbesa sa lata.

Tapos pupunta ka sa gilid ng punong ito para naman jumingel, sabagay wala namang pakialaman kapag nasa bora ka, in english...monkey see...monkey do.

Sino ang makakalimot sa pamosong lugar ng D'Mall kung saan lahat na yata ng klase ng party pipol ay masasalubong mo at halos labas na ang mga oldogs.

Kahit saan sa mga makikita mong mga duyan sa bora ay puede mong higaan at walang sikyong sisita sayo, dahil nga ang motto nila dito ay "do what you want to do, and go were you're going to, think for yourself, 'cause i won't be there with you".

Solb na ako nung mapasok ako dito kaya hindi ko matandaan kung dito ba yung nagsisilbi na nakasuot na parang mga grupo ni Popeye the sailor man.

Isa pang masarap gawin sa bora ay ang mag scuba, may tubig man o wala...PUWEDE...lam mo na yun.

Sayang yung picture ko dito nabura ko, kasi naman bakit inalis pa ang film sa mga camera nahihirapan tuloy akong gamitin. Ang ganda pa naman ng setting ko dun f1.7 at 1/250 exposure time.

Kinunan ko lang ito dahil na rin tuwing bababa ako sa guadalupe station ng mrt ay ito agad ang bumubulaga sa akin. Kaya laking gulat ko nung makakita ako nito sa bora.

Threesome? Yes dito talaga masarap mag tong-its. Mga bastos talaga kayo kung ano ano agad ang iniisip nyo.

Sana naman ay pagbigyan na ako ng PCSO para makabalik na uli ako sa lugar na ito bago pa ito lumubog sa baha. Please, kahit six digit lang po sir/mam, patamain nyo na ako.

Sunday, January 20, 2008

sus scrofa domestica

Pambihira kala ko pa naman ay makakaligtas na ako sa ulam na baboy sa buwan na ito, dahil isa sa mga new years resolution ko ay bawas-bawasan kung hindi ko rin lang maiiwasan ang pagkain ng baboy. Kaya lang biglaang nagkaroon ng reunion ang angkan namin dahil na rin sa sopresang pagdating mula sa ibang bansa ng utol ni erpat. Hayun pagpasok ko pa lang dun sa isang private resort sa Pansol Calamba kung saan ginawa ang nasabing reunion ay lechon na kaagad ang bumulaga sa akin, ito pa naman ang paborito ko. Sabagay ilang araw na rin naman akong hindi kumakain ng baboy kaya kahit medyo guilty ako ay nilantakan ko na rin yung balat. Ang dami ko pa namang dalang seafood na pinamili sa suki market, 3 kilo plapla sa P100.00 per kilo, 3 kilo tahong sa P60.00 per kilo, 5 kilo talaba sa P40.00 per kilo, 2 kilo alimasag na buhay sa P250.00 kada kilo, 2 kilo lumot/pusit sa P200.00 per kilo at dalawang bilaong california maki mix. Pero iba talaga ang lechon lalo na kapag may okasyon. Di bale promise hindi uli ako kakain ng baboy, uubusin ko lang yung natirang pinaksiw na lechon at pagkaubos nito ay puro gulay uli ang lalantakan ko.

Friday, January 18, 2008

ooops

Kala ko naman sabado na kaya relak na relak ako sa pagtulog. Nung tuloy maalimpungatan ako ay dun ko lang naalala na biyernes pa lang at kailangan pa rin pumunta sa opis. Busssettt, dapat kasi mauso na yung tinatawag na virtual office kung saan hindi mo na kailangang pumunta sa opis araw-araw. Puede naman kasi ito dahil computer at internet age na tayo. Ang gagawin lang natin ay tatapusin na natin ang assignment natin tapos gagawa tayo ng report at ibabato na natin sa opis via internet. Yun namang mga hinayupak na nakatengga dun sa opis, ang gagawin lang nila ay abangan naman ang mga ibinato nating report para maprint naman nila at mailagay sa file folder, di walang hazzle at hindi pa masyadong traffic sa kalye dahil kakaunti na lang ang pupunta sa mga opis nila. Ang problema lang natin ay sa pilipinas kasi tayo ipinanganak, 'lam nyo na yun.

Tuesday, January 15, 2008

happiness is a warm gun

Paano ka ba naman hindi masisisyahan nito, nakadiskubre kasi uli ako ng kainan na bukod sa masarap na, class pa ang lugar at ang mabigat pa dito ay mura pa ang pagkain nila. Ang tinutukoy ko ay ang Andoks. Ewan ko lang kung may relasyon ito dun sa sikat na naglelechon ng manok. Bihira ka na kasing makatsamba ng kainan na class ang dating pero mura ang presyo ng mga pagkain nila. Sana laging ganito ang style nila, kasi likas na sa mga pinoy na kapag nagpapakilala pa lang sila ng negosyo nila ay sinasadya nilang babaan ang presyo ng kanilang mga tinda, pero kapag sumikat na ay biglang ipagtataasan ang kanilang mga tinda.

Saturday, January 12, 2008

seventies

Kainis naman kung kailan pa ko libre para gumimik saka naman hindi ko sila mahagilap. Ang binabanggit ko ay yung grupong jerks, ang alam ko kasi kapag biyernes, wala ka nang ibang pupuntahan kundi ang bistro jan sa anonas. Kaya takbo agad ako sa lugar nila, laking tuwa ko nang makita kong kakaunti lang ang nakaparadang sasakyan. Madalas kasi kapag biyernes maraming sasakyang nakaparada jan. Nung mapalapit ako sa harapan ng entrance nila ay may napuna akong kakaibang "iskidyul" na nakapaskel sa pader. Busettt, hindoropot, sanabagan, bakit hindi nakalista ang grupong jerks at ang nakasulat na tutugtog nang gabing iyon ay ang coffeebreak island. Kaya hindi ko na tuloy nakuhang bumaba sa sasakayan at naisipan ko na lang kumain ng lugaw dun sa may lugawan sa kariton na ang tugtog sa transistor niya ay "no no no sa nukleyar". Ibang klase talaga kayong mga taga anonas. Teka sino kaya ang tutugtog ngayon sa backdoor blues cafe.

Wednesday, January 09, 2008

otrabah

Dumami na naman ang bilang ng walang trabaho ayon sa isang jaryo. Mahirap naman talagang maghanap ng trabaho ngayon dahil nga sa dami ng mga nagtatapos sa pag-aaral pero kulang naman ang bakanteng posisyon, kung kayo ang tatanungin ano kaya ang masarap na trabaho?

1. Magpanggap kang bakla at ikaw ang taga ayos ng buhok sa mga modelo ng FHM.
2. Taga abot ka ng gitara ng rolling stones at pagkatapos nilang tumugtog ay taga tirtir ka naman ng mga...alam nyo na yun.
3. Ikaw ang kolektor ng mga politiko.
4. Porno star.
5. Crush test dummy ka ng porsche.
6. Beterinaryo ka ng mga alagang tuta nila Paris, Britney at Lindsay.
7. Lider ka ng isang kilala at sikat na relihiyon.
8. Ikaw ang kapitan ng Barangay sa sex triangle (quezon avenue, timog at west avenue).
9. Body double ka sa mga rape scene ni Brad Pitt
10. Pulis ka sa pinas.

Saturday, January 05, 2008

bagong anyo ng buhay







Ito bale yung pabalat nung programa, aktuwali hindi na namin kailangan ito dahil halos lahat naman ng kanta ni Heber ay alam na namin, kaya lang kailangang makita rin ng mga nagsidalo sa libreng konsiyerto kung sino ang mga nasa likod ng nasabing programa kaya siguro naglimbag na din sila para naman may maiuwi din kaming souvenir. Salamat po sa lahat ng inbolb sa nasabing konsiyerto. Mabuhay ang musikang pilipino.

food tripping at chuan kee

kiampong or flalies

go kong soup


side trip to binondo church


kiampong part 2


tainga ng baboy


sawsawan lang ito


pata tim


go kong (da best)

Wednesday, January 02, 2008

day two 2008

Yan ang gusto ko sa mga noypi, masyadong mahaba ang holiday season. A dos na halos kakaunti pa rin ang dumating sa opis. Hindi lang naman siguro sa amin nangyari iyan, kasi napuna ko rin sa kalsada na kakaunti ang sasakyan. Ibig sabihin nito ay talagang kakaunti pa rin ang pumasok. Siguro ang lalakas ng hang-over ng mga hindoropot. Ang alam ko lang namang nakakakuha ng malakas na hang-over ay yung mga manunupot. Yun bang mga buraot na gustong uminom pero ayaw namang bumunot. Ang hindi nila alam, malakas makahina ng katawan yung ganoong sistema, kasi habang umiinom ka ay minumura ka ng pasimple nung nagpabili ng iniinom ninyo.

Tuesday, January 01, 2008

day one 2008

Masaya, masaya, masaya, yan lang ang nabanggit ko nung magsimula na ang putukan bago pa man dumating ang alas dose ng gabi. Halos walang patid ang putukan, paluces at pagpapalipad ng mga kuwites sa kalawakan. Mukhang maganda ang senyales ng papasok na bagong taon. Naobserbahan ko kasi dalawang taon na ang nakakaraan, nung huling maranasan ko ang pagpapalit ng taon sa ating bansa. Halos hinintay ng lahat na dumating ang alas dose bago nila nilabas ang kanilang mga paluces at paputok, pero sandali lang ay tapos na agad. Pero sa nasaksihan ko kanina, halos kinse minutos pa bago mag alas dose ay panay na ang palipad ng mga kuwites at ang ingay ng paputok ay palakas ng palakas, isang oras din bago ito huminto. Isa kaya ito sa senyales na maganda ang darating na bagong taon o kaya naman ay parang nabitin sa kasiyahan ang mga noypi kaya bumawi sa taong ito. Kung ano man ang dahilan nila ay isa lang ang masasabi ko...masaya, masaya, masaya. Maligayang bagong taon sa ating lahat.