Paano ba magluto ng paella? ito yung text message na bumulaga sa cellphone (3210) ko. Madali lang iyan, unang una buksan ang refrigerator mo at ilabas lahat ang mapapanis na sa refrigerator (adobong baboy, tirang hotdog, spam, pritong itlog). Maghiwa ng bawang, sibuyas, hiwain din ng maliliit lahat ang mga nadapuli mong laman ng refrigerator. Maghiwa din ng chorizo or chinese sausage, siling berde, kikiam. Ihanda ang sugpo, tomato paste, instant gata. Magpakulo ng tubig at ilaga ang itlog. Tapos ay alisin sa balat ang itlog at itabi sa malayong lugar para hindi makain ng mga asungot. Durugin ang lamig na kanin (kung may malagkit na bigas ay magsaing ng kaunti para pampapogi).
Maglabas ng malinis na kaserola at painitan sa apoy. Kapag mainit na ay lagyan ng mantika at igisa ang bawang sibuyas, ilagay lahat ng hiniwang sahog pati na ang sugpo. Takpan sandali ang kaserola. Habang hinihintay na masangkutya ang ginigisa ay magbukas ng isang malamig na serbesa, inumim mo muna ito para marelax ka.
Angatin ang takip ng kaserola ay ihalo ang kanin o malagkit, ilagay na rin ang tomato paste at haluin ng haluin hanggang mawala na ang lamig ng serbesa mo. Ubusin mo na muna yung serbesa at magbukas ka uli ng bago. Kapag pumula na ang kanin ay ihalo ang instant gata sa kanin, haluin din ng haluin hanggang parang magkakadikit na sila lahat. Uminom ka muna ng malamig na serbesa. Kung gusto mong mamulutan ay kumupit ka ng nilagang itlog o kaya yung chinese sausage, puede namang kainin iyun ng hilaw.
Kapag medyo malapit ng matuyo ang kanin ay timplahan ng kaunting asin, paminta (yung iba ay naglalagay din ng kaunting asukal). Magbukas uli ng malamig na serbesa bago patayin ang kalan. Ilipat sa magandang lalagyan ang paela at ipatong sa ibabaw ang nilagang itlog at kikiam. Ayusin mo na rin yung sugpo para magmukhang masarap ang paella mo. Kumuha ng kikkoman para may sawsawan ka na masarap. Magbukas uli ng isa pang ice cold serbesa bago iahin sa mesa ang paella. Ubusin mo muna ang malamig na serbesa bago birahan ng kain ng paella.
0 comments:
Post a Comment