Wednesday, April 01, 2009

confucker virus?


May malakas na virus daw na papawalan ngayon (april 1) ang mga magagaling na tinamaan ng lintek na mga gumagawa ng virus. Ang sinasabi nilang virus ay ang worm na kung tawagin nila ay Virus Conficker C or Downadup worm. Kaya raw burahin ng nasabing virus ang lahat ng files mo sa computer at baka pati yung mga nadownload mong hubong litrato ng mga hollywood celebrities ay hindi daw patatawarin ng nasabing tinamaan ng lintek na virus. Ang nakakatuwa pa nito, ang pinagsususpetsahan na naman nila na maaring pinanggalingan ng nasabing virus ay ang china. Made in China? Ho? (with mike enriquez accent.) Kasi may lumabas na issue tungkol na rin dun sa tinatawag na cyber spy (ghostnet) na maari rin daw na nagmula sa china.


Binabasa ko nga sa jaryo habang nasa taco beach (kubeta) ako kung gaano kalupit ang nagagawa ng nasabing software. Kaya raw buksan nito ang ibang computers para malaman kung ano ang laman ng computer mo at puede rin nilang paganahin ang webcam mo. para makita nila kung sino ang gumagamit ng computer. Bigla ko tuloy naalala nung minsang isinama ko sa bahay ang pamangkin kong babae na may edad na 3 taon. Mahilig kasi itong maglaro ng Barbie at all about girls games. Mga simpleng larong bata na kung ipapaliwanag ko pa sa inyo ay baka abutan na ako ng nasabing virus. Tignan nyo na lang ang website nila. Neweis, bigla ko ngang naalala nung minsang naglalaro yung pamangkin ko nung nasabing barbie games. Kasi nung ma perfect niya yung games ay biglang may nag pop out na message at tinatanong kami kung gusto naming payagan ang barbie site na buksan daw nila ang webcam namin para makita nila kami. Buti na lang at nakabantay ako sa harap ng computer habang naglalaro ang 3 taong gulang na pamangkin ko. Hindi pa kasi marunong bumasa ang bata, kung hindi ako nakabantay ay malamang na na click niya ang option na "ok" at baka hindi namin alam ay nanonood na ang mga intsik sa amin thru remote web cam. Kung nagkataon ay baka magulat pa ang mga intsik na marunong din palang mag computer ang mga pinoy na kung tawagin ng isa nilang journalist na "a nation of servants".

0 comments: