Monday, April 30, 2007

ano nga ba tawag dun?

Nagkaroon ako ng pagkakataon na makadalo bilang miron sa isang pagtatapos ng mga estudyante na kumuha ng Power Memory training course na pinamunuan ni Gng. Crizosimo M. Cadiz. Pero bago ipamigay ang mga certificate of completion sa mga nagsipagtapos ay may ipinalabas muna silang isang short film na ginawa ng zig ziglar production tungkol kay John Foppe. Pagkatapos ng maiksing palabas sa buhay ni John Foppe ay nagpakita naman ang mga nagsipagtapos ng kanilang galing sa natutuhan nila sa power memory class. Dito ay hiningan ang mga nagsidalo ng mga piling salita at pagkatapos ay tinanong ang mga nagsipagtapos kung ano ang mga binigay na salita ng mga nagsipagdalo, agad naman nilang naibigay lahat ang mga nasabing salita sa loob lamang ng ilang minuto. Para sa akin ang power memory course ay isang magandang kurso hindi lang para sa mga estudyante kundi na rin para sa mga medyo nagiging malilumutin na. May sistema silang itinuturo sa estudyante para madali mong matandaan ang iyong binabasa. Malaking tulong ito para sa mga nagsisipag-aral lalo na dun sa mahilig lang mangabisote kapag dumarating na ang exams nila. Matapos ipamigay sa mga estudyante ang kanilang certificate of completion ay may binasa ang mga estudyante na may pinamagatang "a winner's blueprint for achievement" na sinulat ni William Arthur Ward, share ko lang sa inyo dahil maganda ang laman nito:

Believe while others are doubting
Plan while others are playing
Study while others are playing
Decide while others are delaying
Prepare while others are daydreaming
Begin while others are procrastinating
Work while others are wishing
Save while others are wasting
Listen while others are talking
Smile while others are pouting
Commend while others are criticizing
Persist while others are quitting

Saturday, April 28, 2007

american dream

Nakakatuwa naman at naalala ako ni Jun D (not drugs ha) na padalhan ng mga digitalan nila ng kanyang pamilya na kuha sa tate, yes virginia umiskapo sa init ng pinas si Jun D kasama ang kanyang pamilya at ngayon ay walang sawang lumalaklak ng halo-halo sa L.A. Para sa isang noypi ay malaking karangalan lalo na tayong mga "pagpag eaters" ang makarating sa Ues-A. Ika nga ito ang pinaka holy grail ng pasyal kapag rin lang bulakbulan ang pag-uusapan. Marami na sana akong pagkakataon na mapunta diyan sa bansa ng mga kana (hu yabang). Ilan beses na rin akong nangarap na makarating dyan simula pa lang nung umiinom ako ng ornacol vitamins ko at maski hanggang sa ngayon ay binabalak ko pa ring makarating sa lugar kung saan ay paborito ring puntahan ng mga taliban tourist. Ang problema ko lang ay hindi ako marunong magsalita ng ingles kaya kinakabahan akong magpunta sa embassy para magpa interview. Ang mabigat pa nito ay may bayad na one hundred dollars o katumbas ng limang libong piso ang bayad sa interview pasado ka man o hindi. Noon ko pa kasi nararamdaman na sa una kong buhay ay isa akong native indian na mahilig sa crispy ulo ng baboy kaya may karapatan akong makarating sa Ues-A. Pero paano ko maipapaliwanag sa mga consul na kano kapag ininterbyu ako na ganun nga ang pagkakakilala ko sa sarili ko. Hindi kaya nila ako pagkamalan na isang baliw katulad ni manong johnnie lennon at pasundan lagi ang mga piling kilos at galaw ko sa mga ahente nila ng gobyerno. Kung sakali namang makapasa ako sa interbyu at bigyan ng visa, ano naman kaya ang gagawin ko sa tate, maliban sa pagsusuot ko ng levi's, mocassin, hanes, red scarf at paglalak ng pizza habang may hawak na lata ng budweiser? Baka malungkot lang ako doon at maalala ang pilipinas dahil sigurado mamimis ko sa pinas yung mga nagtitinda ng jaryong sagad sa kalsada habang kinakalatok naman nung isa yung lalagyan niya ng mga tindang yosi. Paano na yung watch your car boy na laging umaasa sa limang pisong bigay ko, di magugutom na iyon kapag iniwanan ko at baka maging pusher o holdaper na lang. Puede rin kaya akong magmaneho ng lasing sa tate, kasi d2 sa pinas ay pinapayagan ako ng mga kaibigan ko na magmaneho ng lasing na lasing kahit hindi ko na maalala kinabukasan kung paano ako nakauwi. Yun namang mga may utang sa akin na may tamang limot paano yun di lalo na nila akong nakalimutan. Masarap nga sanang "mag trip" sa Ues-A sabi nga ng iba kasi parang aircon daw ang buong lugar dahil sa lamig at ang daming halos labas na ang suso na mga kana kapag namamasyal sila. Kung ako naman ang makakarating sa lugar ng mga kana ang pupuntahan ko diyan ay yung puntod ni elvis at magpapakuha ako na may side burn at nakataas ang kuwelyo. Tapos sisilipin ko rin ang alcatraz para muling marinig ang huling palahaw ni Al Capone bago siya binawian ng buhay. Dadalawin ko din ang isang eskuwelahan sa Ohio, ang Kent State U at titignang mabuti ang litrato ng apat na estudyanteng martyr na napatay na mga sundalo nung kaiinitan ng protesta sa giyera sa vietnam. Kung may oras pa at may pera pa ang magiging host ko sa tate ay aayain ko siyang pumasyal kami sa chicago para muling titigan ang mga cotton picker doon na nagsimula ng mga tugtog na blues at umupo sa isang barberya doon kung saan nagpapagupit si Robert Johnson, aayain ko na rin silang magside trip kami sa dallas texas at pipilitin ko silang idaan ang hiniram naming sasakyan dun sa lugar kung saan ay binaril ang kanilang ika tatlumpot limang presidente at sisiguraduhin kong eksaktong alas dose medya ng tanghali kami dadaan doon para maramdaman namin ang hinagpis at lungkot na nadama ng mga kano nung araw ng nobyember 22, 1963. Pagbalik namin sa nuyok ay sisilipin ko ang kinatatayuan ng dating twin tower o yung tinagurian nilang world trade center, doon ay makikipag-usap ako sa mga kano kahit baluktot ang ingles ko at tatanungin ko sila kung bakit sila masyadong inaapi ng ibang bansa kahit hindi naman sila nakikialam sa mga bansa natin at kapag nabigyan nila ako ng magandang sagot ay doon ko lang kalilimutan ang mga iiwanan kong mga mahal sa buhay sa mahal kong bansang pilipinas. Ang huli kong pupuntahan ay ang "Chelsea Drugstore*" sa may kings road at dun ay bibili ako ng dalawang banig ng ornacol para ipahinga ang pagod kong katawan at kalimutan ang kalungkutang nadama ko sa aking pamamasyal. Oo enday korek ka jan, ang chelsea drug store ay hindi sa Ues-A kundi sa Barnsley UK at ito ay isang pub at hindi drug store, dito rin kinunan yung isang scene sa clockwork orange ni stanley kubrick, ngayon ang pamosong lugar na ito ang mismong kinatatayuan ng Mcdonalds, ika nga ng stones "you can't always git what you want...lungkot talaga.

smart ass

Nampuch mukhang umandar na naman ang pagka noypi ng mga namamahala sa internet provider ko, bumabagal na naman ang koneksyon ko at hindi lang tuwing hapon hanggang gabi kung saan ang paliwanag nila ay marami kasi ang gumagamit, kundi pati na rin sa madaling araw. Hoy mga anak kayo ng p%&# i@# n%+ parehas at lagi naman nasa tamang araw ang pagbabayad namin ng buwanang obligasyon namin sa inyo bakit hindi nyo man lang kami suklian ng magandang serbisyo. Ano ba ang akala ninyo sa mga subscriber ninyo ay mga alipin ninyo na kapag gustong tikisin ay titikisin ninyo. Alam nyo bang kaming mga subscriber ninyo ang bumubuhay sa mga empleado ninyo at nagpapayaman sa inyo. Huwag nyo naman kaming nakawan. Hindi lang ako ang nagrereklamo dahil may mga nakausap din ako na pareho kaming mabagal ang koneksyon ganung isang bundok ang pagitan ng bahay namin, kaya huwag ninyong gawing alibi na baka parehong wala sa line of sight ang mga antenna namin. Ano kamo ang dahiln ninyo kung bakit mahina ang dating ng internet namin? Pareho kaming wala sa line of sight ang antenna namin...waaaa sabi ko na nga ba yun din ang magiging sagot ninyo sa amin. Para kayong mga bumbero na kapag may sunog ay laging faulty wiring ang alibi kaya nagkasunog. Magkalunod sana kayo sa boracay sa dami ng dala ninyong mga pera na galing sa mga subscriber.

Sunday, April 22, 2007

holiday

Bakit kaya marami ang hindi nagsipasok sa opisina nung april 20, dahil ba inaalala yung sumbablay na Bay of Pigs Invasion ng US troops against Cuba nung 1961, dahil kaya lumanding ang apollo 16 sa moon nung 1972 o di kaya naman ay ang pagkakatira ng soviets sa eroplanong korean nung 1978? hindi kaya naman kaarawan lang ni Adolf Hitler yun bang mamang ipinanganak sa austria na naging furer ng samahang nazi sa germany. Mali kayo lahat, kaya walang nagsipasok nung april 20 ay dahil beerday ko mga baduy at kaya mabagal ding dumating ang mga text messages ninyo ay hindi dahil sa may technical problems ang mga linya ng communication kundi sa dami lang ng nagtext sa akin para batiin ako sa araw na ito. Mabuti na lang at nauso na rin ang mga text messages kasi kung hindi baka lahat ng gustong bumati sa kaarawan ko ay magsipunta pa sa bahay namin eh di papalamunin at papa erbukin ko pa lahat ang mga hindoropot na iyan. Wala pa naman akong masyadong hinanda maliban sa ilang banyerang bangus, tilapia, alimasag, sugpo, talaba, chicken (puro ihaw ito dahil na rin nag-iingat na ko sa health ko) at isang buong lechon, beer? mawawalan ba naman kami niyan eh di walang nagsipunta sa beerday mo kapag wala niyan. Ang napili kong venue sa taong ito ay ang malapit na resort dun sa amin yung villa filomena kasi bukod sa madali kaming makakarating (3 mins drive only mula sa haybol namin) ay nakakapagpalusot pa kami ng mga illegal (read: red wine), nung dati kasi kapag dumarating ang kaarawan ko ay natatapat sa convention namin kaya kung saan saan ko idinadaos ang buset na beerday ko. Nandiyang abutan ako at kantahan ng mga kasamahan ko sa opis sa gitna ng karagatan ng busuangga habang nakasakay kami sa isang barko na si sharon ang dating endorser. Inabot ko na ring mabati ako sa araw ng beerday ko sa loob ng isang eroplano habang lumilipad patungong davao. Nung kalakasan naman ng benta ng aso sa baguio ay halos mamuwalan kami ng mga kaopisina ko kapupulutan namin ng doggie dahil nasapul na naman nila yung araw ng beerday ko. Kung nagkataon nga at sumama na naman ako sa convention sa iloilo ngayong april 18-20 ay malamang na nagpupurga kami ng talaba sa ilo-ilo, nag-iisip na nga ako na kaya lang nila ginagawa ang convention namin ay baka gusto lang nilang makatoma kapag beerday ko. Neweis naging payapa naman na naidaos ko ang masayang araw na ito at hanggang kinabukasan nga ang dinidighay ko pa rin ay yung paksiw na lechon busetttt.

food trip

Nakakain na ba kayo dun sa causeway sa may libis qc? parang may nakita rin ako nito sa bandang timog. Neweis nagkaroon na naman ang inyong lingkod na "pagpag eater" na makakain sa lugar na ito dahil nag gate-crashed ako sa isang bienvenida cum despidida de soltera todo de agua pacencia muy bien cusinillo de pataranta ng mga grupo ng balikbayan from fernando country. Pagdating ko sa lugar ay nakaupo na lahat ang mga chichibug at may ilan na rin na umiinom na ng erbuk. Halos hindi pa ako nakakaupo ay may dumating na ring malamig na serbesa sa harapan ko kaya medyo nagpatali muna ang bida bago ko binirahan ng tungga yung ice cold serbesa ko. Habang naghihintay kami nung order naming "8 course menu" ay may gumilid sa mesa namin at inalok kami ng mga siomai, chicken feet at iba pang nakalagay sa maliit na steamer na agad naman naming pinagbigyan at kumuha kami ng siomai at chicken feet nga. Maya maya pa ay dumating na ang simula ng tinatawag naming kalbaryo otso-ang unang ibinaba nung waiter ay yung cold cuts kung saan inilagay sa isang bandehado ang peking duck, chicken, century egg, sea cucumber, lamb chop (?) and asado. Hindi pa halos kami natatapos mag-iskrimahan dun sa inilapag na cold cuts ay dumating naman ang birds nest soup, kaya agawan na naman kami dun sa lalagyan ng soup. Nang humupa na ang tabakuhan ay dumating na rin ang flalies (fried rice baduy) kasabay ng liempo/chicken in lemon sauce, masarap ang luto nila sa lemon ayos lang sa timpla kaya isa ito sa unang casualty ng mga chibugers. Maya maya pa ay nagdatingan na ang ibang kasama sa "8 course menu". Lapu-lapu na niluto sa black beans, isang bandehadong laman daw iyun ng clam (pacific clam) na may sarsa at litos (lettuce baduy ka talaga), seafood at century egg (seafood roll) uli na nakabalot sa bread crumbs, squid na hiniwa ng manipis at sinamahan ng gulay (try this out masarap ito). Halos hindi kami nag-uusap nung mga kasama ko sa bilog na mesa dahil na rin punong puno ang mga bibig namin. Matapos naming lantakan lahat ng dumating sa mesa ay nagkamalay na uli kami at bumalik na sa normal ang situwasyon. Pero hindi pa kami halos nakakarekober sa shock sa dami ng nakain namin ay dumating naman ang dessert na bicho bicho at mango shake na may tapioka. In short solb pula na naman ang hasang. How much is the damage, paki-alam ko gate crasher lang naman ako, pero may nagtip sa akin ang isang "8 course menu" daw doon ay umaabot ng 5 grand. Thank you sa sponsor naming expat from Thailand.

whahappen

Hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin ako kung bakit yung ibang journals ko ay hindi mapublish ganun bagong ligo naman ako lagi kapag sumalang na sa internet cafe, hinulugan ko na rin ng barya yung cpu para gumana pero ayaw pa rin malagay yun mga ginawa kong journals. Wala naman akong mga bastos na salita doon maliban sa hindoropot at buset, bakit bawal na bang gumamit ng salitang galing sa mga lola natin kaya binabantayan nila ang mga sinusulat kong journals. Kayo rin marami akong fans na nagbabasa dito. Umabot na nga sa Ues-A yung isang reader ko kaya lang buset din yun basta na lang sumibat hindi man lang nagpadespidida, mabilaukan ka sana sa mga kasing laki ng batya na pizza jan para hindi ka makapagsalita ng ingles kapag tinanong ka ng mga medic jan. Sabagay sa isang banda magandang alibi din naman yung hindi mapublish yung journals ko kasi kapag tinatamad akong sumulat ito na lang lagi ang gagawin kong palusot. Pero paano naman yung mga voyeur, beaurur, voyur, byulol, basta yung mga mahilig magbasa ng diary ng iba, di malulungkot naman ang mga hindoropot na yun kung wala akong mailalagay sa blog ko, kaya please sana pumasok naman itong journals ko ngayon and promise hindi na ko titingin sa mga suso ng matatanda.

Thursday, April 19, 2007

paking A

Ano na naman kaya ang nangyayari dito sa online journals ko, baket hindi mapublish BUSETTT.

Tuesday, April 10, 2007

kainis

May pasok na uli, balik trabaho na naman ang karamihan sa atin. Tapos na ang pag-aayuno nating mga kristiyano sa magagandang lugar ng boracay, palawan, bohol, puerto galera sa mindoro at para naman dun sa mga may kaya sa buhay ay sa bansang thailand sila nagpenitensya. Kami namang mga "pagpag eaters" ay dito lang sa dagat ng roxas boulevard nagbabad kahit na lumabas na uli sa tv yung mayor na nakakasakop dun sa lugar at sabihing delikadong maligo sa lugar na iyon. Eh ano ang magagawa namin, dito lang ang alam naming pinakamurang paliguan. Dahil bukod sa malapit lang ito sa mga kabahayan namin ay libre pa dito. Yung amoy ng tubig dagat? huwag mo nang intindihin yun ang mahalaga ay naidaos mo rin ang summer vacation mo. Paano kaya magpalipas ng summer vacation yung mga pinanganak na may gintong "pala" sa bibig nila. Siguro nagsasawa na rin sila sa boracay dahil para sa kanila ay parang araw-araw na lang ay nandito sila, ang phuket at patayya (spelling please) naman ay ordinaryo na rin sa kanila. Pagka ganito naman siguro kayaman ang isang tao ay nagiging boring na rin ang buhay dahil wala na silang pagsusumikap sa sarili hindi katulad nating mga pangkaraniwang tao, dapat ay magtrabaho tayo ng anim na taon para may maipong kaunting pera para makapunta sa magagandang lugar dito sa pinas. Sa ibang bansa? naku baka kuba na tayo kakakayod hindi pa tayo makapunta dun. Marami ang nagsasabi na ang makakapagpaligaya lang sa isang tao ay kung marami kang pera, pero bakit yun namang masyadong maraming pera ay malulungkot at nadedepres, ano ba talaga ang tama. Pero siguro ang pinakamasarap sa mundong ito ay habang nabubuhay ka ay gawin mo ang sa palagay mo na magpapaligaya sa iyo pero hindi naman sa puntong makakasakit ka na ng damdamin ng iba. Kapag kasi ganyan ang naensayo mong pananaw sa buhay, sino pa ang mangangailangan na magtrabaho ng anim na taon para lang makapunta sa boracay, kuntento na naman ako sa roxas boulevard...pahingi pa nga ng isang shot ng generoso please lang ang lamig ng tubig dagat.

Friday, April 06, 2007

biyernes santo

Nakapanood na ba kayo ng mga nagpepenitensya na nagpapako sa krus? Karamihan sa mga ganito ay makikita sa Pampanga. Nung araw tuwing panahon ng santo santo ay may napupuntahan kaming lugar diyan sa Bataan kung saan talamak din ang mga nagpepenitensya. May bahay bakasyunan sa Samal, Bataan na dinadaanan ng mga nagsisipag-penitensya kaya kitang kita namin ang kanilang mga ginagawa. Mayroon diyang naglalakad at pinapalo niya ang sarili niya kaya ang daming dugo lalo na sa likod niya. Pagkatapos ay dadapa sa kalsada at papaluin naman ng mga kasama niyang mga alalay. Ang pinaka-sukdulan ng kanilang penitensya ay yun ngang magpapapako sila sa krus. Medyo nahihiwagaan ako sa parteng ito dahil sa hitsura ng mga mukha nila kapag sinimulan nang ipako ang kanilang mga palad ay mapupuna mo na masyadong masakit ang kanilang nararamdaman. Pero parang maling praktis ito, dahil kung inyong oobserbahan ang naging kalbaryo ni bosing (Yes the man-Jesus) ay hindi naman palad niya ang ipinako sa krus kundi itinali lang ang kanyang mga braso at sa may bandang pulso siya nilagyan ng mga pako. Kasi pinag-aralan na rin ng mga eksperto yan at nabanggit nila na kung sa palad ka ipapako at ilalagay ka sa krus, malamang ay mapilas ang buong palad mo dahil hindi nito kakayanin ang bigat ng buong katawan mo. Saka dapat siguro bako magpapako ang mga nagpepenitensya ay siguruhin nilang malinis ang pakong gagamitin sa kanila kasi kung hindi ka nga mapatay ng mga inarkila mong mga hudyo na tutusok sa dibdib mo ay malamang sa tetano ka naman madale, baka hindi ka makabalik nito pagkatapos ng tatlong araw. Ang isa pang naaalala ko nung araw jan sa bataan bukod na rin sa mga nagpepenitensya at mga naglipanang NPA ay yung aligi ng mga alimango, yung mga alimasag na kinakapa ng mga paa namin sa gilid ng dagat, yung de motor na bangka na may lambat sa dulo at nakakahuli ng lahat ng klaseng laman dagat maliban lang kay jezzebel, mga mangang nakakabit pa sa puno, yung iniispin naming mga pakwan at ice drop na madalas naming reydin sa tindahan ng tiyahin ko kapag santo santo o kung tawagin namin nung araw sa ingles na "its summer".

Wednesday, April 04, 2007

holy week special

Santo santo na naman mga tol, ano na naman kayang panata o sakripisyo ang inyong gagawin para mairaos ang mahabang bakasyon ng pag-aayuno. Ang ibang mga purong katoliko na may kaunting pera ay nagsipunta na sa boracay, puerto prinsesa, puerto galera, baguio at iba pang mga magagandang lugar dito sa pinas. Tayo na mga "pagpag eaters" ay narito lang sa bahay upang kuskusin ang wetpu hanggang sa magsugat at puyatin ng mga kapitbahay nating nagpapabasa. Ganun rin lang at wala tayong maisip na puntahan at wala rin naman tayong mga probinsya na mauuwian bakit hindi na lang tayo mag-ayuno sa haybol. Puede nating linisin ang buong bahay at ipamigay na sa ibang tao yung mga hindi na natin kailangang gamit katulad ng mga laptop, i-pod, pocket pc, threadmill (check spelling please), ref, flat tv etc. Puede mo ring huwag munang batiin ang mga kagalit mo ngayon para hindi kayo mag-abot dahil sarado ang baranggay hall kapag santo santo walang kukuha ng blotter ninyo kung mag-aaway kayo ngayon. Maganda ring maglibot ka ngayon sa mga simbahan dahil walang mga parking attendants o yung bantay kotse gang kaya menos ka sa limang pisong aabot mo sa parking boys. Puede ka ring magbasa ng biblia at hanapin kung saang bersikulo nakasaad na kapag holy week ay dapat magsipunta ang mga buwangkang i.... mga katoliko sa mga beach, kaya pala may word na son of a beach. Karne o lamam, medyo iwasan nyo muna yan kahit isang araw lang para naman masagip ka pagdating ng paghuhukom. Puro seafoods muna tayo kahit sinasamantala naman ng mga wet foods vendor ang presyo nila dahil alam nilang mabili ang mga tinda nila ngayon, pero may isang pagkain na galing sa dagat ang bawal din kainin ngayong holy week, yes your right virginia bawal ang tahong ngayon, maliit, malaki, mapula, maango na tahong bawal basta tahong bad yan ngayon. Bilang respeto naman sa mga anito mo ay puede mo ring linisin o alisan ng alikabok ang mga santong nakasabit sa buong bahay ninyo. Alak? ay hindi binanggit yan sa biblia na bawal ang alak kapag mahal na araw, katunayan nga yung misa kapag santo santo ay itinataas pa ng pari yung hawak niyang alak bago inumin. Kami ng mga tropa ano ang ginagawa kapag biyernes santo? Ayun katulad din nung ginagawa ng pari kapag nagmimisa siya. Kita kits uli tayo mga tol sa biyernes santo, lam nyo na yung kung saan ang "meating" place natin.