Nakakatuwa naman at naalala ako ni Jun D (not drugs ha) na padalhan ng mga digitalan nila ng kanyang pamilya na kuha sa tate, yes virginia umiskapo sa init ng pinas si Jun D kasama ang kanyang pamilya at ngayon ay walang sawang lumalaklak ng halo-halo sa L.A. Para sa isang noypi ay malaking karangalan lalo na tayong mga "pagpag eaters" ang makarating sa Ues-A. Ika nga ito ang pinaka holy grail ng pasyal kapag rin lang bulakbulan ang pag-uusapan. Marami na sana akong pagkakataon na mapunta diyan sa bansa ng mga kana (hu yabang). Ilan beses na rin akong nangarap na makarating dyan simula pa lang nung umiinom ako ng ornacol vitamins ko at maski hanggang sa ngayon ay binabalak ko pa ring makarating sa lugar kung saan ay paborito ring puntahan ng mga taliban tourist. Ang problema ko lang ay hindi ako marunong magsalita ng ingles kaya kinakabahan akong magpunta sa embassy para magpa interview. Ang mabigat pa nito ay may bayad na one hundred dollars o katumbas ng limang libong piso ang bayad sa interview pasado ka man o hindi. Noon ko pa kasi nararamdaman na sa una kong buhay ay isa akong native indian na mahilig sa crispy ulo ng baboy kaya may karapatan akong makarating sa Ues-A. Pero paano ko maipapaliwanag sa mga consul na kano kapag ininterbyu ako na ganun nga ang pagkakakilala ko sa sarili ko. Hindi kaya nila ako pagkamalan na isang baliw katulad ni manong johnnie lennon at pasundan lagi ang mga piling kilos at galaw ko sa mga ahente nila ng gobyerno. Kung sakali namang makapasa ako sa interbyu at bigyan ng visa, ano naman kaya ang gagawin ko sa tate, maliban sa pagsusuot ko ng levi's, mocassin, hanes, red scarf at paglalak ng pizza habang may hawak na lata ng budweiser? Baka malungkot lang ako doon at maalala ang pilipinas dahil sigurado mamimis ko sa pinas yung mga nagtitinda ng jaryong sagad sa kalsada habang kinakalatok naman nung isa yung lalagyan niya ng mga tindang yosi. Paano na yung watch your car boy na laging umaasa sa limang pisong bigay ko, di magugutom na iyon kapag iniwanan ko at baka maging pusher o holdaper na lang. Puede rin kaya akong magmaneho ng lasing sa tate, kasi d2 sa pinas ay pinapayagan ako ng mga kaibigan ko na magmaneho ng lasing na lasing kahit hindi ko na maalala kinabukasan kung paano ako nakauwi. Yun namang mga may utang sa akin na may tamang limot paano yun di lalo na nila akong nakalimutan. Masarap nga sanang "mag trip" sa Ues-A sabi nga ng iba kasi parang aircon daw ang buong lugar dahil sa lamig at ang daming halos labas na ang suso na mga kana kapag namamasyal sila. Kung ako naman ang makakarating sa lugar ng mga kana ang pupuntahan ko diyan ay yung puntod ni elvis at magpapakuha ako na may side burn at nakataas ang kuwelyo. Tapos sisilipin ko rin ang alcatraz para muling marinig ang huling palahaw ni Al Capone bago siya binawian ng buhay. Dadalawin ko din ang isang eskuwelahan sa Ohio, ang Kent State U at titignang mabuti ang litrato ng apat na estudyanteng martyr na napatay na mga sundalo nung kaiinitan ng protesta sa giyera sa vietnam. Kung may oras pa at may pera pa ang magiging host ko sa tate ay aayain ko siyang pumasyal kami sa chicago para muling titigan ang mga cotton picker doon na nagsimula ng mga tugtog na blues at umupo sa isang barberya doon kung saan nagpapagupit si Robert Johnson, aayain ko na rin silang magside trip kami sa dallas texas at pipilitin ko silang idaan ang hiniram naming sasakyan dun sa lugar kung saan ay binaril ang kanilang ika tatlumpot limang presidente at sisiguraduhin kong eksaktong alas dose medya ng tanghali kami dadaan doon para maramdaman namin ang hinagpis at lungkot na nadama ng mga kano nung araw ng nobyember 22, 1963. Pagbalik namin sa nuyok ay sisilipin ko ang kinatatayuan ng dating twin tower o yung tinagurian nilang world trade center, doon ay makikipag-usap ako sa mga kano kahit baluktot ang ingles ko at tatanungin ko sila kung bakit sila masyadong inaapi ng ibang bansa kahit hindi naman sila nakikialam sa mga bansa natin at kapag nabigyan nila ako ng magandang sagot ay doon ko lang kalilimutan ang mga iiwanan kong mga mahal sa buhay sa mahal kong bansang pilipinas. Ang huli kong pupuntahan ay ang "Chelsea Drugstore*" sa may kings road at dun ay bibili ako ng dalawang banig ng ornacol para ipahinga ang pagod kong katawan at kalimutan ang kalungkutang nadama ko sa aking pamamasyal. Oo enday korek ka jan, ang chelsea drug store ay hindi sa Ues-A kundi sa Barnsley UK at ito ay isang pub at hindi drug store, dito rin kinunan yung isang scene sa clockwork orange ni stanley kubrick, ngayon ang pamosong lugar na ito ang mismong kinatatayuan ng Mcdonalds, ika nga ng stones "you can't always git what you want...lungkot talaga.
Saturday, April 28, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment