Nakapanood na ba kayo ng mga nagpepenitensya na nagpapako sa krus? Karamihan sa mga ganito ay makikita sa Pampanga. Nung araw tuwing panahon ng santo santo ay may napupuntahan kaming lugar diyan sa Bataan kung saan talamak din ang mga nagpepenitensya. May bahay bakasyunan sa Samal, Bataan na dinadaanan ng mga nagsisipag-penitensya kaya kitang kita namin ang kanilang mga ginagawa. Mayroon diyang naglalakad at pinapalo niya ang sarili niya kaya ang daming dugo lalo na sa likod niya. Pagkatapos ay dadapa sa kalsada at papaluin naman ng mga kasama niyang mga alalay. Ang pinaka-sukdulan ng kanilang penitensya ay yun ngang magpapapako sila sa krus. Medyo nahihiwagaan ako sa parteng ito dahil sa hitsura ng mga mukha nila kapag sinimulan nang ipako ang kanilang mga palad ay mapupuna mo na masyadong masakit ang kanilang nararamdaman. Pero parang maling praktis ito, dahil kung inyong oobserbahan ang naging kalbaryo ni bosing (Yes the man-Jesus) ay hindi naman palad niya ang ipinako sa krus kundi itinali lang ang kanyang mga braso at sa may bandang pulso siya nilagyan ng mga pako. Kasi pinag-aralan na rin ng mga eksperto yan at nabanggit nila na kung sa palad ka ipapako at ilalagay ka sa krus, malamang ay mapilas ang buong palad mo dahil hindi nito kakayanin ang bigat ng buong katawan mo. Saka dapat siguro bako magpapako ang mga nagpepenitensya ay siguruhin nilang malinis ang pakong gagamitin sa kanila kasi kung hindi ka nga mapatay ng mga inarkila mong mga hudyo na tutusok sa dibdib mo ay malamang sa tetano ka naman madale, baka hindi ka makabalik nito pagkatapos ng tatlong araw. Ang isa pang naaalala ko nung araw jan sa bataan bukod na rin sa mga nagpepenitensya at mga naglipanang NPA ay yung aligi ng mga alimango, yung mga alimasag na kinakapa ng mga paa namin sa gilid ng dagat, yung de motor na bangka na may lambat sa dulo at nakakahuli ng lahat ng klaseng laman dagat maliban lang kay jezzebel, mga mangang nakakabit pa sa puno, yung iniispin naming mga pakwan at ice drop na madalas naming reydin sa tindahan ng tiyahin ko kapag santo santo o kung tawagin namin nung araw sa ingles na "its summer".
Friday, April 06, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment