Thursday, November 27, 2008

one down more to go

Nabawasan na naman ako ng isang kakilala. Nadedo na raw kahapon ayon sa text message na natanggap ko. Ang bilis talaga ng buhay, ilang taon pa lang ang lumilipas kung saan halos hindi maputol ang malakas na halakhakan namin kapag tumotoma kami sa "pinay", isang maliit na inuman iyan sa may bandang maynila. Nakita ko ang katikasan ng mamang ito nung panahon na malakas pa siya. Miyembro ito nang isang tinatawag na underground organization kung saan kapag hindi ka marunong magsalita ng lenguwahe nila ay hindi ka maaaring maging miyembro.

Isa siya sa nagturo sa akin kung paano makipaglaro sa lipunan. Siya ang nagsabi sa akin na hindi puro tapang ang dapat pairalin sa kalye at ang baril ay hindi ginagamit na pantakot sa tao. Matapos siyang magretiro ay ilan taon ding kaming hindi nagkita. Kaya nung minsang napunta ako sa probinsiya nila ay pinilit kong makarating sa bahay nila para naman mabisita siya. Nung makarating ako sa bahay nila ay nakita ko na nandoon pa rin ang tikas niya pero ang katawan ng tao ay hindi nagsisinungaling.

Nakadama ako ng pagkalungkot ng makita ko ang hitsura niya. Hindi na siya nakakalakad kung walang tungkod at halos hindi na niya inaayos ang sarili. Dati kasi ay hindi mo siya makikita na may balbas at bigote, lagi itong ahit. Pero nung magkita kami muli sa bahay nila, ang nakita ko ay parang isang ermetanyo. Ang una niyang tinanong sa akin ay kung umiinom pa daw ako, tumango lang ako. Nung malaman niya na umiinom pa ako ay agad niyang inutusan ang kanyang tapat na asawa at sinabing kumuha ng isang boteng isteytside na alak at iinom daw kami. Alam kong nagbibiro lang siya, dahil matagal na siyang tumigil sa bisyong ito.

Matapos ay nagkamustahan naman kami at nagnostalgia tungkol dun sa mga ginagawa naming mga good time nung araw. Matapos ang isang oras na pagkukuwentuhan ay nagpaalam na ako sa kanya. Doon ko nakita na ang dating matikas na mama na hinahangaan ko ay biglang humagulgol at sinabi ang nilalaman ng isip at damdamin niya. Niyakap ko siya at may ibinulong ako. Doon ko muling nakita na nagliwanag ang kanyang mukha. Matapos ito ay tumalikod na ako para lumabas ng bahay niya. Habang papalabas na ako ng bahay ay narinig kong muli ang malakas niyang sigaw na madalas niyang gawin nung araw na matikas pa siya, "SA SUSUNOD NA PAGBALIK MO DITO SA BAHAY AY IPAGLULUTO KITA NG KAMBING AT IINOM TAYO HANGGANG SA MAMATAY". Itinaas ko na lang ang kanang kamay ko bilang pag ayon sa magandang plano niya at tuluyan na akong lumabas ng bakuran.


0 comments: