May napanaginipan ako. Nagmotor (tig-isa kami) daw kami nung kasama ko sa isang lugar dahil may kukunin siya doon. Nung makarating na kami dun sa lugar ay nag-ikot ikot muna ako habang hinihintay ko yung kasama ko. Maya maya pa ay tinanong ko yung isang mama kung nasaan na yung kasama ko-umalis na daw sabi nung mama. Kaya mabilis kong pinaandar yung motor ko at binaybay na rin yung kalsada pauwi. Dito na nagsimula yung problema ko. Kasi hindi ko kabisado yung lugar. Nagtanong ako dun sa mama na nakita ko sa unang kanto kung paano makabalik sa lugar ko. Ngunit yung itinuro niya ay mali. Kaya nung may makita uli akong tao ay nagtanong uli ako kung paano ba makakabalik sa lugar ko. Sinabi niya na sundan ko lang daw yung mga jeep na pababa sa kalsada. Nung sinundan ko naman yung jeep ay nakarating lang kami sa dead end. Ang sabi nung driver nung jeep ay hindi daw dun ang pabalik sa lugar ko. Kaya bumalik uli ako sa itaas para muling magtanong kung saan ang daan pabalik sa lugar ko. Ginawa nung kausap ko na nagtitinda ng mga sisiw ay tinuro niya yung isang daan at dun daw yung pabalik sa amin. Nung napuna niyang parang nalilito na ako ay sinamahan na niya ako dun sa maliit na daan. Kaya lang ang itinuturo niyang pabalik sa lugar ko ay yung isang silong nung bahay. Inangat niya yung takip nung silong at sinabi niyang dun daw ako lumusot para makabalik sa pinanggalingan ko. Hindi ko siya sinunod dahil imposibleng mangyari iyon. Maya maya pa ay nakakita ako ng telepono at tumawag sa bahay namin. Nagulat na lang yung kausap ko sa telepono dahil apat na buwan na daw akong nawawala. Paano mangyayari iyon? ganoong halos isang oras pa lang akong naghahanap kung paano makakabalik sa lugar ko. Nung ibinaba ko ang telepono at pinaandar uli yung motor ay nagising na ako.
Monday, October 05, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment