Naalala ko nung araw jan sa lugar namin sa kankaloo kung saan ay madalas kaming umistambay sa bubong nung isang tropa at kababata namin, si Jojo or Jay sa kanyang mommy. Halos araw araw ay sa bubungan nila Jojo kami nagkikita kita (hindi pa uso nun yung kita-kits). Sa bubong na iyan namin natutuhan kung paano magpalipad at mang-igtad na saranggola kahit boka boka lang yung sa amin. Sa bubungan ding yan kami nagtingalaan para panoorin kung gaano kaganda lumipad yung mga kalapati namin na nilagyan pa namin ng iba't ibang kulay ng diyobos ang ilalim ng pakpak para malaman namin kung kaninong kalapati yung dumaan sa ibabaw namin. Diyan din mismo namin nalaman na ang sa lalaki pala ay lawit at ang sa babae ay butas, kasabay ng pagdiskubre namin sa pagkakaiba ng hitsura ng kasarian ng tao ay ang pagkalabit namin sa gitara. Sige tugtog kami kahit medyo wala sa tono. Isa si Jojo sa gumaling pagdating rin lang sa gitara ang pag-uusapan. Kaya halos gabi-gabi ay naririnig kami ng mga magulang namin (opo magkakatabi lang kasi ang mga bahay naming magkakabarkada) na nagpapalahaw sa bubungan habang pinagsisigawan namin ang mga kanta naming "ako'y anak ng mahirap, lumaking salat sa yaman" o kaya ay yung "magulang ko ay ginawa na ang lahat ng paraan". Marami pa kaming kinakanta nung araw dun sa bubungan, nandiyan ang mga walang kamatayang James Taylor, Jim Croce, Three Dog Night (may cassette tape pa nga kami nito) at ang pinoy rock selection. Bahala na kung pangit sa pandinig ng ibang tao ang mga kanta namin, basta ang alam namin noon ay malaya at masaya kami kahit salat sa yaman.
Thursday, March 20, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment