Alay kay Fred Garcia...
Naging espesyal ang nakaraang sabado ng gabi para sa akin, dahil nagkaroon ako ng pagkakataong muling mapanood ang isa sa mga respetadong musikero ng ating panahon, wala iba kundi si Ginoong Heber Bartolome, titser, pintor, makata, kompositor at higit sa lahat mang-aawit ng ating panahon. Siya ang tampok ng mang-aawit sa My Brother Mustache (MBM) nung gabi ng sabado. Matagal tagal na rin naman mula ng mapanood ko si Heber na tumugtog ng "live". Ang pinakahuli ay yung isang konsyerto na ginanap sa isang parking lot sa Ayala na inorgisa ni RJ kung saan kasama niya ang kanyang dalawang kapatid na sina Levi at Jesse Bartolome at iba pang mga pinoy rockers na katulad ni Sampaguita, Anak Bayan (buhay pa noon si Edmund Fortuno) at marami pang iba. Maaring siya mismo ay hindi na rin niya matandaan ang konsyertong ito dahil na nga sa katagalan, pero para sa akin ay sariwa pa rin sa alaala ko ang konsyertong iyon pati ang dilaw na polong suot niya at natatandaan ko pa rin. Kaya naging espesyal sa akin nang malaman kong tutugtog siya sa MBM. Agad kong inaya ang aking kapatid at tumungo kami sa naturang lugar. Pagdating namin doon ay inabutan namin ang regular na mang-aawit ng MBM na si Albert De Pano. Pagkatapos ng ilang kanta ay nakita na naming dumating si Heber at isa isa niyang inispatan ang mga parokyano ng MBM. Lumapit siya sa mga tao upang pasalamatan ang mga nagsidalo at sinabing magsisimula na siya makalipas ang sampung minutong tonohan. Habang tinotono ang gitara ay pinakilala muna niya ang ibang mga bisita na dumating. Isa na rito si Professor Edru Abraham at Rogelio Mangahas. Matapos ang maikling pasakalye ay inawit na niya ang Tayo'y mga Pinoy at Almusal. Tinanong ang mga tao kung may gustong ipakanta sa kanya. Agad kong binanggit ang kantang Awit sa Kasal at kanya naman agad kinanta ito kasunod ng Awit ng Ating Panahon, Katotohanan Lamang, Kung Walang Pag-ibig. Ang sumunod na inawit niya ay ang Soldyer, Awit Ko at isang bagong komposisyon na pinamagatang Abe Aginaldo, isang kanta patungkol sa sama ng epekto ng shabu at ugmang ugma sa panahong ito. Muli kaming humiling ng isang pang kanta na may pamagat na Sonata at Leri, isang awit na inalay niya para kay Valerio Fuente-pinaslang na UP Librarian. Halos tumayo lahat ang balahibo ko nang awitin ang Huling Awit para kay Pepe. Pagkatapos nito ay nagpahinga muna siya at ipinakilala ang isang titser/gitarista/mang-aawit mula sa bacoor na si Joel. Nagpaunlak ng tatlong kanta si Joel, ang orihinal na komposisyon niyang may pamagat na Pumapatak ang Ulan, Siyam-Siyam- isang politikal na awit patungkol sa pagkayamot niya sa sistema ng gobyerno at ang nakakaaliw na Langgam. Ang sumunod na umawit ay ipinakilala sa pangalang Bong Baybay, isang Fiscal at binigyan niya ng panibagong buhay ang awit ni Heber na Karaniwang Tao, isang makatayong balahibong rendisyon. Nang muling sumampa si Heber sa entablado ay ibinigay na niya ang lahat ng hinihiling ng mga tao katulad ng Buhay Pinoy, Inutil na Gising, Nena, Paaaralan at ang pinakahuli ay ang Pasahero. Hindi ko maiwasang himayin ang mga panitik na naglalaman sa bawat kanta niya at dito ko nakita na halos tatlong dekada na pala ang nakaraan mula ng gawin niya ang mga awit na ito ngunit kung iyong papakinggan ay parang kahapon lamang nangyari. Bigla tuloy akong nakaramdam ng pagkahabag sa ating bansa at sa pilipino dahil halos tatlong dekada na ang nakakalipas ay wala pa ring pinagbago ang pilipinas-mahirap pa rin tayo.
...Si Fred Garcia ay isang matalik na kaibigan, minsan musikero, panatiko ng Banyuhay at karaniwang tao. Siya ay kasalukuyang nagtratrabaho sa Italy kasama ang kanyang pamilya. Tapos ng kolehiyo ngunit napilitang mangibang bansa upang doon makakuha ng trabaho dahil na rin sa kawalan ng makukuhang trabaho dito sa Pilipinas.
Pagkat ako'y karaniwang tao
May simpleng trabaho
Katamtamang suweldo
Walang bahay at lupa o kotseng magara
Na meron sila ako'y wala
Ang tanong ko'y -Ba't nagkaganito?
Sobrang trabaho, di sapat ang suweldo
Walang bahay at lupa sa sariling bansa
Ba't meron ang dayuhan ako'y wala?
Karaniwang Tao by Heber Bartolome
0 comments:
Post a Comment