Monday, May 07, 2007

shabu to the second power

Kahapon ay nagkaroon kami ng pagkakataon na magpanggap mayaman dahil may napuntahan kaming isang kainan sa The Block ng SM North EDSA, ito ay ang shabu-shabu restaurant. Maganda ang lugar at elegante ang dating, kaya pagpasok mo pa lang ay ang yaman yaman na agad ng pakiramdam mo. Siempre pa dahil nasa ganito kang lugar ay kikilos ka na kunyari na kamag-anak mo si Paris Hilton para hindi mahalatang mga pagpag eaters lang kami. Paglapit nung waiter ay binigyan na kami ng listahan ng mga pagkain. Halos himatayin kami sa mahal ng mga nakalista dahil puro thousand thousases ang presyong nakikita ko. Sinabihan ko muna ang waiter na kumuha ng tubig, nung makalayo na siya ay pilit naming hinahanap ang pinakamalapit na exit, pero kinakandado pala nila ang lahat ng daanan kapag nakapasok ka na. Pagbalik ng waiter ay tinanong ko siya kung may tapsilog sila na good for 4 person. Maigsi lang ang ngiti niya dahil nakuha nya agad ang joke ko. Dahil na rin bago kami sa lugar na ito ang pinili naming kainin ay ang seafood set kasi bukod sa healthy ito at magaan sa tiyan ang totoo talagang dahilan namin ay ito ang pinakamura sa lahat ng pagkain nila. Para naman hindi kami magmukhang kawawa ay umorder din kami ng drinks at isang rice topping na may nakapatong sa ibabaw ng rice (ano yun redundant). Pagdating ng chibug ay YAHOO ang ganda ang dami pala nung order na good for 4, puedeng anim nga ang lumantak ng hindoropot na seafood set. May kasama pa siyang apat na itlog dahil tig-isa raw kaming apat. Humingi nga ako ng asin dun sa waiter dahil kakainin ko na sana yung itlog, pero ngumiti uli ang waiter at sinabi niyang hindi nilaga ang itlog, ito raw ang ihahalo sa sabaw na kumukulo at pagkatapos ay puede na naming ihulog lahat ng nasa mesa namin. Ang una kong hinulog sa kumukulong tubig ay yung chopstick, tissue, yung lata ng coke lights. Kaya nagmamadaling bumalik yung waiter ay kinorek niya ang nauna niyang sinabi na puede nang ihulog ang lahat ng nasa mesa namin sa kumukulong tubig. Ang gusto pala niyang sabihin ay yung mga pagkain lang ang puedeng ihulog sa kumukulong tubig. Kaya hinango ko yung chopstick, tissue, lata ng coke lights at ang hinulog ko naman ay yung sugpo, tuna (sakana) slice, sea cucumber, si taruk nagsingit pa ng talaba, pechay baguio at pechay taiwan (yasai) kaunting vermicelli (noodles ito enday), meatball, tofu, mais, yam, beancurd, black mushroom, carrots. Ilang minuto pa ay "ATTTTACCCCKKK", wala muna kaming kuwentuhan dahil puro kami busy sa kalalaklak nung shabu-shabu, halos bumakat nga yung pawis ko dun sa suot kong lacoste na binili sa 168 mall. Muling sumilip ang waiter sa amin at nagsalita ng kaunting nihonggo, kaya medyo napikon ako at sinagot ko siya ng "Watakushi wa sakini yasai-supu ga hoshii" at sinabakan ko naman ng tanong dun sa waiter ng "Sakan wa nani ga oishii desu ka?" ayun atras siya, ako pa kakausapin nya ng japanese di nya ba alam na kumpare ko si emperor hirohito ng china sa may kanto ng middle east of columbia. Pagkatapos na halos kalahating oras na walang kibuan ay humupa na rin ang gutom namin. Nung mapuna nung waiter na medyo kalmado na kami ay lumapit uli siya at binigyan naman kami ng halo-halo, kaya napagsigaw pa ako sa kanya na wala naman kaming order nito baket dito mo ibinababa iyan. Ang sabi nung waiter ay kasama raw yun sa seafood set na inorder namin. Para hindi kami mapahiya ay tinanong ko siya kung seafood rin ba ang laman nung halo-halo, ngumisi uli siya at piniga yung isang baso hanggang sa mabasag sa mga palad niya. Siguro may family problem yung waiter ang nasambit ko na lang sa mga kasama ko.

0 comments: