Friday, May 04, 2007

tacloban city

May 3,2007-Alas tres pa lang ng umaga ay tumunog na agad ang cellphone ko at sinabi ng nasa kabilang linya na sila raw ay naghihintay na sa park and fly kung saan iiwanan ko ang aking sasakyan upang makasakay naman kami sa first available flight ng cebu pacific patungong tacloban city. Pagdating ko sa nasabing lugar ay nakaabang na ang mga makakasama ko sa tacloban at agad naming iniwan ang aking sasakyan upang lumipat naman sa isa pang sasakyan para ihatid kami sa domestic airport.

Medyo delayed na bente minutos ang flight namin patungong tacloban dahil na rin sa alibi nung piloto na hindi pa siya binibigyan ng clearance ng air tower, pero ang suspetsa ko ay dahil dun sa isang mama na nagpakilalang pulis at alalay ng isang politiko na nakabase sa mindanao sa hitsura ng kanyang suot. Napuna ko na kasi sila nung nakapila pa lang kami sa last security check ng nasabing airport at doon ay nakita sa xray machine ang dalang boga nung bodyguard na pulis. Sa madaling sabi pagkatapos ng ilang minutong paghihintay ay nakalipad na rin ang sinasakyan naming eroplano.

Matagal na rin naman ang huling punta ko dito sa tacloban city, siguro mga apat o limang taon na rin ang nakakalipas, pero nung lumapag ang sinasakyan naming eroplano at nakalabas na kami sa airport ay hindi ko maiwasang mapuna na halos kakaunti ang iniunlad na nasabing lugar. Yung mga dating nakita ko na negosyo dito ay iyun pa rin ang mga inabutan ko at halos walang nadagdag. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin lumulutang si henry sy sa lugar na ito para mamili ng lupa na tatayuan ng SM.

Matapos naming magampanan ang obligasyon namin sa lugar ay nagyaya na ang mga kasama ko na kumain muna kami ng tanghalian dahil ala una pasado na rin naman, kaya naisipan namin pasukin ang ocho seafood grill and restaurant na matatagpuan sa sen. enage street, halos katapat lang ito ng cebu airlines ticketing office. Umorder kami doon ng tinolang lapu-lapu, inihaw na pusit, chopsuey, lechon kawali, kanin at 3 ice tea, matapos naming laklakan lahat ay kinuha na namin ang bill, ang total P500 plus lang sa ganun karaming chibog. Bigla nga kaming nagulat sa mura ng presyo nila, kaya pala halos alas dos na ay marami pa rin ang kumakain. Maganda ang loob ng naturang kainan, kung ikukumpara mo sa maynila ay para ka na ring kumain sa mga sikat na kainan sa libis qc o sa makati ang pagkakaiba lang ay mura ang presyo nila, saludo ako sa inyo mga bosing.

Nung gumabi naman ay naisipan naming magpalipas ng ilang boteng malamig na serbesa sa socsargen seafood and grill resto na malapit lang sa tinutuluyan naming hotel alejandro. Dito ay bumira naman kami ng inihaw na tuna belly, bihod ng tuna, sisig at kinilaw na tuna square (ano yun?). Maganda ang lugar at tahimik ang mga umiinon, kasi ba naman ay may escort kaming tatlong pulis paanong makakapag-ingay yung ibang umiinom di ang takot lang ng mga hindoropot na yan. Halos hindi nga sila makatingin sa mesa namin, pero no problemo naman dahil likas namang mababait ang mga taga tacloban kaya beer pa.



May 4, 2007-Madaling araw pa lang ay nagising na ako, kaya naisipan ko na ring bumangon at simulan na ang lagi kong nakagawian na maglakad tuwing umaga. Sa aking paglalakad ay napuna ko na masyado palang mahilig sa computer ang mga taga tacloban, kasi halos alas singko pa lang ng umaga ay puro puno na ang nadaanan kong internet cafe, siguro kagabi pa ang mga hindoropot at inumaga na lang kaka internet. Matapos ang halos kalahating oras kong paglalakad para naman lumiit ang ti...err tiyan ko ay may napuna akong isang karinderya na puno ng tao kaya pinuntahan ko ito.

Napuna ko na may karatula itong "open 24 hours" kaya pinasok ko na rin at tinignan kung ano ang makakain. Isa pala itong kainan ng mga sinangag con itlog. Ang nakatawag ng pansin sa akin ay ang salitang TUSILOG-turon sinturon at itlog?, tuba sisig at betlog?, dahil na rin kuryus ako ay ito ang aking inorder. Pagdating sa mesa ko ay nakita ko na ang TUSILOG pala ay tuna sisig at itlog, yahoo peborit kaya hiniyawan ko agad yung waitress at pasigaw na humingi ako ng suka at SILI. Biglang nagsihinto ang mga kumakain at ang waitress at napuna ko na lahat sila ay nakatingin sa akin. Baketttt bawal bang sumigaw sa tacloban kapag maaga pa, hindi nalang ako nagpahalata at nilaklakan ko na ang tusilog ko at sabay eat pay and run ang ginawa ko.

Pagbalik ko sa hotel na tinutuluyan namin ay ikinuwento ko sa contact naming waray yung nagyari sa akin sa karinderya. Tinanong ko siya kung bakit parang nabigla yung mga kumakain sa akin nung humingi ako ng suka at SILI ganung yun naman talaga ang sawsawan ng tuna sinangag at itlog, wala bang suka at SILI sa tacloban? Nung marinig niya ang kuwento ko ay natawa siya at medyo nabigla din, kasi paliwanag niya ang suka raw talaga ang sawsawan sa tuna pero ang SILI raw sa tacloban ang ibig sabihin nito ay TITI, TARUGO, RATBURIRAYTS, DONG o ARMAS PANLALAKI, kaya pala natigilan lahat ng kumakain sa karinderya dahil suka at titi pala ang intindi nila sa hiningi ko sa waitress, pakialam ko manila boy yata ini.

Maya-maya pa ay dumating na rin ang escort namin na may dalang sasakyan na pula ang plaka dahil gusto nung isa naming kasama na makita ang san juanico bridge. Bago kami tumungo ng san juanico bridge ay idinaan muna kami sa munisipyo ng tacloban at mula doon ay lumarga na kami papuntang san juanico bridge. Ilang beses ko na ring nakita ang tulay na ito na nagdugtong sa samar at leyte, pero ngayon ko lang nalaman sa escort namin na ang tulay pala ay korteng L sa side ng leyte ay S naman sa side ng samar. Mapupuna mo lang daw ito kung ikaw ay nasa himpapawid. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang hitsura ni dante varona nung lumundag siya sa san juanico bridge. Pagkatapos naming magkuhanan sa pinakamataas na parte ng bridge ay nagyaya nang mag brunch ang kasama namin.

Kami ay dinala ng escort namin sa Leal St., Sangkahan district. Ito ay lokal version nila ng La Loma sa manila. Dito ay umorder kami ng lechon at gaway (gabi sa tagalog) dahil ito raw ang katerno ng lechon. Pagdating ng order namin na lechon ay humingi agad ako ng sarsa pero ang sabi niya ay hindi na raw kailangan ang sarsa ng lechon dahil malasa na ito, nagkaroon tuloy ako ng dahilan para unang lumaklak ng balat ng lechon para nga malaman ko kung talagang hindi na kailangan ang sarsa...ayos masarap nga at malasa ang lechon nila. Pinasubok din nila sa amin yung katernong gaway pero hindi ko type ang lechon with gaway kaya umorder din kami ng puso rice. ito yung rice na ibinalot sa dahon.

Sinabi sa akin nung kasama ko na ang lechon tacloban daw ang isa sa pinakamasarap na lechon katulad ng lasa ng lechon sa cebu at ipinaliwanag pa niya na yung lechon daw sa la loma ay hindi gaanong malasa kaya tinatago nila yung kakulangan ng lasa sa pagsasawsaw mo sa sarsa. Kung gusto mo raw malasahan ang lechon ay huwag ka munang magsasawsaw sa kahit anong sarsa para malasahan mo ang sarap nito, tumango na lang ako sa kanya dahil hindi ako makasagot sapagkat punong puno ang bibig ko ng lechon at gaway.

0 comments: