Sunday, March 18, 2007

catarman

Mapublish kaya ang blog ko ngayon, kasi gusto ko sanang ikuwento yung napasyalan ko nung isang araw. Nagkaroon kasi ako ng pagkakataong mapunta sa Catarman, Northern Samar. Ang Northern Samar ay isa sa tatlong probinsya na tinatag nung June 19, 1965 dahil na rin sa RA No. 4221. Puede ka ring dumaan dito kung gusto mong magpunta sa Eastern Visayas at Mindanao kung medyo nagtitipid ka ng pamasahe sa eroplano at gusto mong sa bus lang sumakay. Medyo malaki rin ang sakop ng Northern Samar dahil may sukat silang 349,800 hectares or kung ikokonbert mo sa sq. km. ay lalabas itong 3,489 sq km. May bihaye dito ang eroplanong Asian Spirit tuwing martes, huwebes at sabado.

Ang una kong napuna sa catarman ay ang airport nila dahil pag landing ng eroplano namin ay napuna kong may mga tao sa gilid ng airport na parang ngayon lang nakakita ng eroplano. Pero nagkamali pala ako dahil pagkatapos lumampas ng eroplanong sinasakyan namin ay may naghudyat sa mga tao na puede na silang magsitawid. Natawa nga kami ng mga kasama ko dahil parang nasa ordinaryong kalsada ang airport nila at puedeng tawiran ng mga tao kung wala pang lalanding na eroplano.

Pagkalabas namin ng airport ay sinalubong na agad kami ng aming asset o kontak na si nonong. Ang una agad niyang sinabi sa amin ay wala raw magandang sasakyan sa Catarman at ang magiging service naming sasakyan pansamantala ay ang tricycle na inarkila niya at ang kanyang bagong honda xrm. Pagkatapos na kaunting kamustahan ay nagyaya na muna ang kontak namin na mag-agahan muna sa kanila para naman daw makita namin ang bahay niya. Pagdating namin sa kanilang bahay ay agad niya kaming pinatuloy na sa kusina kung saan nakaahin na ang halabos na sugpo, pritong salmon, sinigang sa kalamansi na tuna at monggo. Nang tinitira na namin lahat ang chibug ay napuna kong wala kaming sawsawang patis maliban sa toyo.

Naikuwento ni nonong sa amin na bihira daw ang nagsasawsaw sa patis sa kanilang lugar dahil nasanay na silang magsawsaw sa toyo, kaya bihira daw ang nadadayalisis sa kanilang lugar. Matapos naming kumain ay sinimulan na namin ang aming misyon sa naturang bayan at madali naman naming natapos kaya nagkaroon kami ng pagkakataon na ikutin ang ilang lugar sa catarman at sa paligid ng san jose kung saan sikat ang nasabing lugar sa mga tinda nilang alimango. Malas nga lang at masyado pang maaga kaya wala pang tinda.

Ang isa pang napuna ko sa lugar nila bukod sa maganda ito dahil na rin balot ng dagat ay ang kawalan ng mapipiling hanap-buhay dito maliban sa pagpapasada ng tricycle at pedicab. Ito na raw ang pinaka marangal na trabaho dito at ang maghuli ng isda. Puede sanang pagyamanin ang lugar dahil na rin sa paligid ito ng dagat, kaya lang ang problema dito ay ang tinatawag na farm to market road kung saan mabilis sanang maibebenta ng mga tao dito ang kanilang ani at produkto.

0 comments: