Sunday, September 23, 2007

BIOS

Mahirap din pala yung magtiwala sa mga gumagawa ng computer kahit na sabihin pang isa itong empleyado mismo ng mga tindahan ng computer. Nangyari kasi sa akin ito isang taon na ang nakakaraan. Nagpa assemble kasi ako ng computer sa isang kilalang tindahan ng computer at pinili ko na ang pinaka top of the line na piyesa para isang gastusan na lang. Sa madaling sabi ay natapos naman ang nasabing computer at ito ay inuwi ko agad sa bahay para masubok. Matapos ang isang taon at limang buwan ay biglang nagluko ang nasabing computer, madalas mag restart at namamatay na kusa. Para sa akin ay simpleng BIOS adjustment lang ito, kaya bago ko muna tawagan si manong Bill ng microsoft ay sinubok ko munang pasadahan ng simpleng troubleshooting. Ngunit pagkatapos ng dalawamput isang oras na paghahanap kung paano ko mapapalabas yung BIOS menu ay inamin ko na sa sarili kong hindi ko kaya itong ayusin. Kinalas ko ang nasabing computer habang tumutulo ang aking luha. Ngunit nung bubuksan ko na ay napuna kong naka seal pa ang likuran nito at nakalagay pa roon ang warranty. Bigla kong pinunasan ang aking luha at dali dali akong nagpunta sa tindahan ng computer na nag assemble nito. Pagdating ko doon ay nagpanggap akong kawawa para mabigyan agad ng lunas ang nasabing sirang computer. Nang buksan na nung bagong gumagawa (wala na kasi doon yung nag assemble, dahil inireklamo din daw ng isang customer) ang computer ko ay agad niyang sinilip ang video card kung sira na, pero humihinga pa ito kaya sigurado akong hindi doon ang problema. Sumunod naman niyang tinignan ang memory at hinipan ng kaunti, ayos din naman. Nung sinilip na niya yung built in fan sa motherboard ay doon na kami nagduda. Kasi ba naman ay gumagalaw yung fan, ang dahilan hindi pala nahigpitan. Isipin mo isang taon ko palang ginagamit ang nasabing computer ng hindi ayos ang pagkakakabit ng fan niya. Sampalataya pa naman ako sa kanila dahil nga mga empleyado na sila ng nasabing gawaan ng computer. Nasabi ko na lang tuloy dun sa bagong gumagawa na baka pagod na siguro yung dating nag assemble ng computer ko, kaya hindi niya napuna na maluwang yung fan. Matapos naming subukin ng ilang oras ay nanumbalik na rin sa dati ang normal na andar ng computer. Nung ibabalik na ang takip ng computer ay napuna rin nung gumagawa na baligtad din yung external fan, ano ba yan. Dinaan ko na lang sa ngiti ang nadiskubre naming mga palpak na gawa nung dati nilang empleyado, wala na rin naman kasi akong magagawa, ang maganda lang ay nadiskubre ko tuloy kung paano buksan yung BIOS menu...dun lang pala sa start tapos click mo lang daw yung turn off.

0 comments: