Napadaan ako dun sa isang hilera ng kainan jan sa qc at napuna kong may bagong bukas na kainan doon (hindi ko lang malaman kung bago ito o medyo matagal na rin, kasi matagal tagal na rin akong hindi nagagawi sa lugar na iyan). Kaya nung makita ko yung nasabing kainan ay agad ko itong sinubok kahit na alam kong bawal na sa akin ang pagkain (steak) na yun. Pagparada pa lang namin, yes namin, kasi may kasama akong buraot, dun sa nasabing kainan ay mapupuna mo na agad na malakas ang dating nila sa tao. Isipin mo halos ala-una na ng hapon ay puno pa rin ang nasabing kainan, kaya binigyan pa kami ng guwardiya ng isang maliit na karton na may nakatatak na letra, kayat agad namin itong kinain, huli na ng malaman namin na yung binigay na karton ng guwardiya ay palatandaan pala kung kailan kami dapat pumasok sa kainan dahil na rin nga puno pa ang mga mesa, in short parang reservation letter pala iyon, akala kasi namin yung binigay ng guwardiya na karton ay puedeng kainin dahil talaga namang tomguts na kami nung mga oras na iyon. Kaya nung tinawag na ng guwardiya ang letrang naka assign sa amin ay tinaas na lang namin ang aming mga kamay habang dumidighay kami. Buti naman at natandaan kami nung Jaguar. Ang inorder namin dito ay siempre pa ang famous nilang steak na may kasamang kanin at mashed potato, pero puedeng isa lang ang piliin mong kasama ng steak mo, kanin o mashed potato lang. Kumuha rin kami ng sisig na may kasamang itlog, puede ring yung sisig mo ay mayonaise ang kasama at dalawang until death na ice tea na may yelo. Pagdating nung order naming steak ay napuna ko agad kung bakit maraming kumakain sa nasabing lugar, kasi ba naman halos kasing laki ng pinggan yung steak at nung hiwain ko na ay napuna kong malambot ito. Masarap at medyo juicy ang steak nila kaya kahit bawal na sa akin ang mga purine rich na chibog ay binira ko na rin ito. Nang dumating yung order naming sisig ay napuna ko na talo ito, kakaunti ang bigay nila at para sa panlasa ko, hindi siya masarap. Pero ang suma total ay panalo ang lugar na ito, malinis, masarap ang pagkain, mabait ang guwardiya at higit sa lahat, mahinang kumuwenta ang kahera nila....panalo.
Saturday, September 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment