May nakasagupa ako minsan na tao, hindi away ang ibig kong sabihin, nakasagupa (salitang kanto) dahil mahilig siyang magsisigaw. Para sa akin kasi ang batayan ko ng tunay na barako o yung tunay na matapang na tao ay yung hindi palasigaw, may kasabihan kasi kami sa kankaloo na kapag daw maalon ang dagat ay hindi dapat katakutan. Ang mas dapat katakutan ay yung tahimik na dagat. Inoobserbahan ko ang mamang ito at sa tingin ko ay papalapit na siya sa edad na sisenta, kaya nabigla ako sa mga ikinikilos niya. Kasi ang pagkakaalam ko sa mga ganyang edad ay cool na o ika nga ay peaceman na. Bago niya sinimulan ang kanyang litanya ng pasigaw ay sinabi nya naman sa amin, yes may kasama ako nung araw na iyon, na siya raw ay high blood. Kaya nung magsimula nang magalit yung mamang nagpapanggap na matapang ay sinabihan ko siya na ako ay hindi natatakot sa mga sigaw niya. Ako ay natatakot sa maaaring mangyari sa kanya dahil siya ay pulang pula na sa galit. Kinakabahan ako na baka sa harap namin siya atakihin, kaya sabi ko na lang sa kanya na magpahinga muna para bumaba ang presyon. Matapos ang ilang oras na pagtatago niya sa loob ng kanyang opisina ay humupa naman ang presyon ni pogi. Doon ko nakita ang tunay niyang pagkatao, dahil humingi naman siya ng despensa sa amin at nakausap na namin siya ng maayos. Marami na kasi akong narinig na istorya nung mga biglaang nagagalit. Ang iba ay napupunta sa hindi magandang sitwasyon. Kailan lang ay nagkaroon ng patayan dahil lang sa isang simpleng gitgitan sa kalsada (road rage). Mayroon namang nabalita na maghaharap lang sa korte para sa isang simpleng paniningil ng utang ay napunta na bigla sa panghohostage nung nagrereklamo. Maganda siguro kung sa elemetarya pa lang ay itinuturo na sa mga bata ang anger management. Isa itong paraan kung paano mo kontrolin ang sarili sa mga sitwasyon na maari mong ikagalit. Maganda kasing paraan ito para maiwasan natin ang pakikipagtalo. Dito kasi sa anger management ay ipinaliliwanag na hindi kaduwagan ang umatras ka sa pakikipagtalo, kundi para maiwasan pa ang masamang kahihinatnan ng inyong pagtatalo. Marami ang magiging prebilehiyo ng tao kung alam lang ng karamihan kung paano tantiyahin ang ganitong sitwasyon. Wala naman kasing may gustong makipagpatayan sa kapwa para lang mapatunayan mo na isang kang tunay na lalaki. Mas masarap pa rin yung gumagalaw ka sa mundong ito ng tahimik at walang iniisip na kalaban, dahil maigsi lang naman ang buhay ng tao.
Wednesday, October 24, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment