Monday, July 30, 2007

Every dog has his day...say goodnight to the bad guy


Natsambahan ko nung isang araw sa Cable TV yung lifetime achievement award na iginawad ng AFI (American Film Institute) kay Al Pacino. Kung hindi ka fan ni Michael Corleone ay siguradong pipindutin mo agad ang remote control ng telebisyon mo para ilipat sa TV Patrol ang pinapanood mo. Pero kung isa kang die hard Pacino fan, ay siguradong maglalagay ka ng yellow ribbon na may tatak na "Police line, do not cross, Al Pacino fan is watching TV". Una kong napanood itong si pareng Al sa pelikulang Godfather, kung saan ipinakita niya sa mga beteranong aktor, katulad ni Kuya Marlon Brando na kaya niyang makipagsabayan, kung arte rin lang ang pag-uusapan. Nasundan pa ito nung mapanood ko naman siya sa pelikulang Dog Day Afternoon. Sino ang makakalimot dun sa arte niya kung saan nag-aapura siyang ilabas yung dala niyang mahabang baril para sabihing hoholdapin niya yung bangko. Magmula noon tuwi na lang may pelikulang kasali siya ay hindi ko pinalalampas. Bobby Deerfield, And Justice for All, Scarface (my gift to you), Sea of Love, Dick Tracy, Franky and Johnny, Scent of a Woman, Carlito's Way, Donnie Brasco at marami pang iba. Kaya tuloy kung minsan kapag nasa banyo ako ay ginagaya ko yung role niya sa Scarface. Yung bang isinubsob niya yung mukha sa isang bundok na Coke na nakalagay sa mesa. Kaya lang nga ay nasa banyo ako, kaya sa iba ko isinubsob yung mukha ko, ah ibang istorya na yun buset.

An old guitar is all he can afford


Siguro nanibago kayo sa mukha nung blog ko ano. Ganyan talaga kapag hindi mo rin lang mapagana ang paa mo para maghanap-buhay, dahil na rin sa gouty arthritis, kaya ang pinagana ko na lang ay ang mga kamay ko. Mahirap din pala yung nasanay kang umalis sa haus araw-araw. Kaya kapag ganitong may kaunti kang nararamdaman ay naiinip ka sa bahay. Naalala ko tuloy yung kuwento ni Alvin dun sa libro niya nung minsan maipit siya sa trapik at walang ibang magawa kundi libangin ang sarili sa loob ng sasakyan. Ganito kasi ang naramdaman ko, nung mapako ako sa bahay mula pa nung biyernes dahil na rin sa pamamaga ng paa ko. Nadiskubre ko tuloy na may nakatago pa pala akong duty...err i mean Mr. Goodbar at Milk Chocolate na gawa ng Hershey"s na galing sa Duty Free...ayun nailusot ko din. Newey, kapag pala nakapako ka lang sa bahay maghapon ay mauubusan ka rin pala ng gagawin. Ang inuna ko na ngang gawin ay yung kalawkawin ang mukha ng blog ko para mahaba-habang oras ang maubos ko. Pero kulang pa rin, kaya kinuha ko naman ang gitara, kinabitan ko ng Dimebag Darrell crybaby from hell wah pedal at pinag-aralang siprahin yung Twitty Conway na kanta, yun bang " Jimmy please say you'll wait for me...I'll grow up someday you'll see". Medyo mahirap ang tipa niya, hindi ko maidiin yung F sharp minor, kaya ibinalik ko na lang ang gitara sa sanglaan at binasa ko na lang yung tiktik anniversary issue nila. Mayroon ba kayong kakilala na mahilig gumitara?. Gusto ko kasi talagang matutuhan yung kanta ni Twitty Conway, may syota kasi ako dati na nakita ko sa isang website, peborit niya ang kantang ito, malay mo bigla uli kaming mag eyeball, matutugtog ko sa kanya ito ng live, kahit walang hawak na Jingle. Kaya kung may kilala kayong magaling gumitara, paki tawagan naman ako sa 5319001, direct line ko yun, mag-iwan lang kayo ng message kapag narinig nyo na yung BEEP. Huwag kayong mag-alala safe number ko yun at walang makakarinig sa usapan natin. Bibigyan ko ng duty...err i mean Hershey's chocolate na galing sa Duty Free ang sinumang makakapagturo sa akin kung paano gitarahin ang Twitty Conway na classic, ayoko nung may F sharp minor na tipa ha, please.

Ok, just a little pinprick


Totoo palang may himala, pero hindi si Judiel Nieva o si Ate Guy ang tinutukoy ko. May himala kasing nangyari sa akin ngayon habang papunta ako sa doktor. Tama kayo mga buset, hindi pa rin nawawala ang maga ng paa o kung tawagin ng mga medical practitioner ay gouty arthritis. Pero bago kayo magsitawa, hindi ito sakit ng mga tumatanda dahil bata pa naman ako. Pangmayamang (pero hindi ko sinabing mayaman ako ha) sakit ito, nakukuha ito sa pagkain ng red meat (steak), seafood (sashimi) at alak. Kaya kahit magpunta ka sa doktor ay hindi nakakahiyang komunsulta. Ang nakakatuwa lang ay nung papalapit na ako sa pagamutan, para nga ikonsulta yung lintek na pamamaga ng paa ko. All of a sudden ay biglang nawala ang pamamaga at kirot. Hindi naman ako takot pumunta sa doktor, pero bakit kaya biglang nawala yung sakit. Handa naman akong magbigay ng donation, kahit ba sabihing sampung piso lang ang donation sa pagpapagamot kay Dok, ok lang sa akin iyon, i can manage. Pero nandoon na rin lang naman ako sa klinika at nailista na rin naman ang pangalan ko nung medical assitant ni Dok, minabuti ko na ring magpatingin. Ayun iisa ang findings namin, gout nga ang nakadale sa akin. Kinuhanan na rin niya ako ng kaunting dugo, sabi pa nga ni Dok, "bakit nagkawala ang ugat mo, kinakabahan ka ba?". Ano kala mo sa akin duwag, nakikipahabulan nga ako ng saksakan sa looban namin, tapos maliit na heringgilya lang ay tatakutin mo ako. Pero kailangan bang kuhanan talaga ako ng dugo, puede bang sa isang taon na lang, babalik ako promise. Mabuti na lang at kakosa ko yung doktor, matapos niya akong itali sa kama at pahawakan sa apat na medical assitant niya, ay nakuhanan din niya ako ng dugo. Puwera pa dito yung nasipa kong lampshade at yung isinuka kong agahan, kasi naman ay pinipilit nila akong kuhanan ng dugo, kaya ko namang gawing mag-isa yun, pero sa isang taon nga lang, promise. Matapos makunbinsi ni Dok na pabalikin yung ibang pasyente na nagtakbuhan palabas ng klinik, dahil na rin sa lakas ng palahaw ko nung kinukuhanan ako ng dugo ay binigyan na niya ako ng reseta. Mabuti na lang at wala siyang ibinawal, lalo na yung... yun bang ano... buti na lang hindi niya ko binawalan na mag ano, yung bang mag ano....yung... (medyo shy) uminon ng serbesa. Kasi kung binawalan niya akong uminom ng serbesa, sisiguraduhin ko sa kanya na huling punta ko na doon, kuhanan man niya ako ng dugo o hindi.

Saturday, July 28, 2007

So that when they turn their backs on you, You’ll get the chance to put the knife in.


Salamat at sabado na naman, kahit namamaga pa ang paa ko dahil sa hindoropot na gout ay ok lang, basta wala lang akong iniisip ngayon na dapat akong magbihis ng magara at makipagsiksikan sa trapik, makipag-usap sa mga asshole na kliyente, kumain ng steak o lugaw depende sa intel budget ko. Kaya kapag sabado ay magaan ang loob ko. Ang una kong ritwal pagkagising ay...siempre mag ayos muna sa banyo, tapos kalabitin yung gitara (habang nakababad sa maligamgam na tubig yung maga kong paa). Nalagyan ko na rin ng turnilyo yung "flaring" ng motor ko, nawala kasi yung isa. Pagkatapos ay inilabas ko ang motor para naman maiinit, bihira kasi itong tumakbo ng malayo. Nung nagmomotor na ako ay may nakasalubong akong sasakyan ng pulis na nagwawangwang at ubod ng tulin kung magpatakbo. Asshole ang nasambit ko na lang sa sarili ko, naisip ko tuloy na nahuli na siguro yung nagnanakaw ng mga metro ng tubig (talamak kasi dito sa amin iyon). Saan ka ba naman nakakita ng ganitong klaseng buhay, wala namang trapik, dahil looban naman yung dinadaanan ko, pero itong dalawang bagitong pulis na sakay nung patrol car nila ay ubod ng tulin sa pagpapatakbo. Binaliwala ko na lang ang nangyari, kasi baka masira ang magandang sabado ko. Nung maka-ikot na ako sa highway ay tinungo ko na ang daan pabalik sa village namin. May kaunti akong napuna na hindi pangkaraniwang nangyayari sa lugar namin tuwing araw ng sabado. Tila yata maraming tao sa harap ng baranggay at nakita ko muli yung patrol car na nagwawangwang kanina. Dahil na rin sa wala akong ibang daraanan kungdi dun din sa kalsadang iyon, ay minabuti ko nang mag-uzi. Doon ko nakita na may nakabulagtang mama sa harap ng tricycle. Sa unang tingin ko pa lang ay sigurado kong dedbol na ito, malaki ang pangagatawan pero ika nga sa baseball ay "out na" or dead. Siempre pa, marami na ang nakauna dun sa lugar ng pinangyarihan, kaya nakitanong na rin ako. Naikuwento sa akin nung isang kausap ko na ayaw ipabanggit ang pangalan, na yung mama raw na nakahandusay dun sa gilid ng baranggay hall namin ay tricycle driver at dating vice president ng kanilang tricycle drivers association. Ayon na rin dun sa saksi, nakapila daw itong napatay na driver at may pasahero na. Nung akmang aabante na siya, ay may lumapit na mama, mga bente singko anyos daw at sabay bumunot ng baril (kalibre .45), pinutukan agad si pogi ng dalawang beses at saka tumakbo patungo sa isang van na naghihintay sa kanya sa hindi naman kalayuan. Nung maglinaw ang tabakuhan ay nakita na lang nila si vice president na nakahandusay na sa daan-DEAD (sa harap mismo ng baranggay hall na nirerespeto namin, dahil na rin sa dami ng nakabantay na baranggay security). Madalas na akong makapanood sa telebisyon ng mga napapatay, pero para sa akin ay isang ordinaryong balita na lang iyan, lalo na't sa pilipinas nangyari. Pero iba pala kapag nakakita ka nung "live". Ito nga ay huli na nung makita ko, eh di lalo pa siguro kung nasaksihan mo yun habang isinasagawa pa lang. Masayado na talagang talamak ang krimen dito sa bansa natin. Nung isang araw lang ay may ikinukuwento naman yung isang guro na ayaw ding ipabanggit ang pangalan. Pinatay daw yung tatay nung estudyante nila ng mga hindi kilalang salarin. Ang kuwento naman ay pinuntahan daw sa harap ng bahay yung biktima at walang habas na pinagbabaril. Wala naman daw kinuha yung pumatay, kaya ang anggulong pagnanakaw ay inalis na sa imbistigasyon, in short walang suspek. Ganito na ba talaga kadelikado sa pinas?, wala na bang respeto ang mga tao sa batas, kaya sila na mismo ang gumagawa ng sarili nilang aksyon. Nahahabag ako sa nangyayari sa paligid natin. Para tayong nasa "wild wild west" kung saan isa lang ang batas. Either you're quick or you're dead. Ilan na bang mga krimen ang naresolba? halos mabibilang lang natin sa daliri natin. Sino ba ang dapat magbantay para maiwasan ang krimen? ang mga pulis ba o tayong mga ordinaryong mamamayan na hindi man lang makakuha ng permit to carry firearms outside of residence. Kaya siguro malakas din ang loob ng mga kriminal ngayon dahil alam nilang sila lang ang puedeng magdala ng armas, dahil yung mga law abiding citizens ay kailangan pang magbayad ng kung ilang libong piso para lang magkaroon ng PTCFOOR. Kaya nga ako kahit naglalakad lang ay parating nakasuot ang helmet ko at nakalagay pa doon yung plate number nung motor at kotse ko, yung favorite color ko, my motto, my ambition, last known address and job, three disinterested person na kilala ako mula nung isinilang ako at GSIS, SSS, intel call sign at assigned number. At least, pagdaan ko sa check point ay hindi ako mapapagkamalang kriminal nung mga pulis.. na walang silbi.

Friday, July 27, 2007

king of pain

Nampucha hindi ako pinatulog nung buset na pamamaga nung hinlalaki sa paa ko. Nagresearch ako sa internet kung ano ang tawag dito. Isa lang ang pinakamalapit na puedeng maging tawag sa pamamaga ng hinlalaki ko, ito yung GOUT, isang klase ng arthritis na madalas ay nakakaramdam ka ng pananakit sa iyong hinlalaki. Nakukuha raw ito sa sobrang pagkain (liver, gravy, seafood etc) at sa sobrang pag inom ng alak o serbesa. Uric acid daw ito, na sumobra sa katawan natin, at hindi mailabas kaya kung minsan ay sumisiksik sa mga pagitan ng mga buto natin. Bigla tuloy akong nagflashback kung ano ba ang mga nakain ko nung nakaraang araw. Last Friday, nasa Steak MD ako at lumaklak ng Porterhouse na isinawsaw sa gravy. Nung gabi naman ay bumira ako ng ilang boteng malamig na serbesa at inihaw na bangus. Sabado? nag-ihaw ako ng liempo nung tanghali na isinawsaw sa gravy, may kaunti rin akong aligi ng talangka na pangontra sa malamig na serbesa. Nung gabi naman ay nag-ihaw kami ng ulo at tiyan ng blue marlin habang lumalaklak ng serbesa. Linggo ay nagtiis muna ako sa bulalo dahil matagal na rin akong hindi nakakakain nito. Nung gabi naman ay bumira kami ng serbesa. Lunes ay kumain ako ng T-Bone steak sa Snackaroo, lubog din sa gravy ang steak nila, nung gabi ay bumira ako ng serbesang malamig. Martes ay may nag-aya naman sa akin sa Jollibee, lumantak kami ng tig dalawang chicken joy na isinawsaw na naman sa gravy. Nung gabi ay tumira ako ng ilang boteng malamig na serbesa. Miyerkules naman ay bumira kami ng sashimi, chicken, beef with broccoli, mixed vegetables at sankaterbang serbesa, birthday kasi ni bossing (medyo maga na ang talampakan ko nito). Huwebes ay nasa JT's Manukan naman kami at bumira ng inihaw na manok, batikolon (inihaw na laman loob ng manok-yan pa naman ang bawal na bawal sa gout) at Lapaz batchoy na puro laman loob din ang sahog. Kaya heto ako ngayon, wala pang tulog dahil sa buset na gout na yan. Nung nirerebyu ko ang mga nakain at nainom ko nitong nakaraang isang linggo, isa lang ang alam kong dapat iwasan para hindi ako madale ng gout, iwasan ko yung gravy.

Thursday, July 26, 2007

Chickenan


Kanina ay naligaw ako sa bandang Granada, ewan ko kung sakop pa ito ng Ortigas o Q.C. Kasi kadugtong ito ng Ortigas. Newey, nagkaroon tuloy ako ng pagkakataon na makakain sa JT's Manukan. Simpleng kainan lang ito pero laging maraming tao. Ang espesyal na pagkain dito ay...hulaan ninyo...Yes, manok na inihaw. Ang inorder ko ay yung Paa at Thigh at isang batekolon (tama ba yun), laman loob ito ng manok na inihaw sa isang espesyal na soz. Yung buraot naman na kasama ko ay umorder ng La Paz Batchoy at pasigaw pang sinabi dun sa waitress na lalaki na lagyan ng egg. Samantalang yung isang buraot naman na kasama ko, krishna yata ito, kaya ang inorder ay boneless na bangus. Habang hinihintay namin ang order namin ay inispatan ko yung ibang kumakain. Puro mukhang ganado sila at siguro mga regular na kostumer na sila dito, kasi ang tawag nila dun sa babae na kumukuha ng order ay Ate, samantalang yung lalaking nagdadala naman ng mga sawsawan at tubig ang tawag nila ay Kuya. Yung isang buraot na kasama ko ay napagtripang tignan yung mga nakasabit na litrato, napuna nya kasi yung isang nakasabit na puro litrato ng mga bayani (Jose Rizal, Juan Luna etc.), sinabi nya pa nga sa amin kung saan libro kinopya yung litrato na yun. Nang dumating na ang mga inorder namin ay pumikit lang ako sandali at nag thank you Lord. Bussettt, nung dumilat ako kumakain na yung dalawang buraot na kasama ko. Hindi na pala sila nag thank you Lord at sinabakan na ng kain. Iba talaga kapag masarap ang luto, kala ko pa naman ay nakapikit din sila at magtetenkyu Lord, yun pala binirahan na ng chibug. Habang kumakain kami ay napuna ko na maraming nakalagay na litrato ng isang kilalang artista, hindi ko naman matanong si Kuya o si Ate kung bakit nakalagay doon ang litrato nung batikang aktor. Masyado kasi silang abala sa pagkuha ng mga order nung ibang kostumer. Kaya nung matapos kaming kumain at kunin ko na ang chit, (siempre pa, inabot na rin namin yung pekeng senior citizens I.D na dala namin), hindi ko na napigilan na tanungin si Kuya kung bakit puro litrato nang batikang aktor ang nakadikit sa mga dingding ng kainan nila. Bakit wala silang litrato man lang ni James Taylor. Hindi ba ang ibig sabihin ng JT's Manukan ay James Taylor's Manukan?, nagtatanong lang naman, masama ba yun eh kuryus lang ako.

Pulang hasang

Nagkapulahan na naman ang mga hasang ng mga "opusmeyt" ko kahapon, July 25. Paano ba naman ay may nagdiwang ng birthday sa amin at ang daming inihanda. Pito o walong putahe yata yung nakita kong nakalagay sa stainless na lalagyan at may apoy pa sa ilalim. Puwera pa dito yung sashimi na dala ko at siempre pa, hindi makukumpleto ang handaan kung walang alak at serbesa. Sabi nga nung mga barako, mawala na lahat ang handa, huwag lang mawawala ang alak at serbesa. Halos hindi kami magkandatuto kung ano ang uunahin naming lapain sa mesa, mayroong chicken, barbeque, lumpiang toge, beer with broccoli, mixed vegetables, pancit (pampahaba ng etits), ung iba kaya hindi ko matandaan kasi hindi ko tinikman. Pagkatapos ng tanghalian ay nagpahinga lang kami sandali at sabay laklak na nung alak at serbesa. Iika ika nga ako nung dumating sa opis dahil pakiramdam ko ba ay inatake ako ng Gout. Pero binalewala ko muna yung nararamdaman ko, mahirap na baka maubusan ako ng toma. Marami nga ang nagtatanong sa amin kung bakit marami daw ang handa at mukhang malakasan ang inuman. Wala lang sabi ko, bertdey lang naman nung Boss namin, baket may angal?.

Wednesday, July 25, 2007

chibugchalilayts

Nadadaan ba kayo jan sa J. Jimenez St., Kamuning? kung nadadaan kayo jan, sigurado napuna nyo na rin yun parang maliit na kainan jan na lagi na lang maraming nakaparadang magagandang sasakyan. Snackaroo ang pangalan nung kainan, siguro ang specialty nila dito ay kangaroo. Madalas kasi akong mapadaan diyan dahil na rin sa trabaho kong pag-aahente ng imported na tokwa from Japan. Newey, matagal na rin pala ang kainang ito, kaya minsang inabutan ako ng gutom sa lugar ng Kamuning at wala akong makitang class na lugawan ay sinadya ko na ang Snackaroo. Wala na akong nagawa kungdi ang subukin ang nasabing kainan na mukhang karinderya lang. Napuna ko agad na marami silang mga kalderong nakahelera. Isa- isa kong sinilip kung ano ang mga laman nito, may papaitan, bulalo, kaldereta...bago pa man malula ang sikmura ko sa pipiliin kong ulam ay inispayan ko ang mga kumakain kung ano ang kanilang inuulam. Dito ko napuna na halos karamihan sa kumakain ay may mga ulam silang steak. STEAK sa karinderya?, kaya pumuwesto na ako sa bandang likuran at pabulong na tinanong yung waiter na babae kung ano ang tawag dun sa mga inuulam na steak nung ibang kumakain. T-bone steak raw iyun, kaya yun na rin ang inorder ko. Maya-maya pa ay dumating na ang order kung T-bone steak. Malaki ang bigayan nila ng isang order, ang napuna ko lang ay halos malunod sa gravy ang nasabing steak. Ipinikit ko ang aking mata, nag in-trance sandali sabay nag thank you lord at attttackkkk. Masarap ang nasabing steak kahit na nakatago ang lasa niya sa gravy, kaya lang napuna ko na parang yung kanin nila ay hindi primera klase, para bang pang karinderya lang talaga. Mura lang naman ang magandang bigas kaya nagtataka ako sa mga nagtatayo ng karinderya kung bakit mumurahing bigas pa ang sinasaing nila. Matapos kong chumibog ay tinanong ko na kung magkano ang naging damage ko sa kanila. Nung iabot sa akin ang chit ay saka lang ako nakadighay...mura lang naman pala at kaya pa ng intel budget na ibinigay sa akin ng bureu, beauru, byuru, bearu...ah basta mura lang kaya nakuha ko pang mag-iwan ng tatlong pisong tip.

Sunday, July 22, 2007

Nothin' but blues and Elvis

May bago na naman tayong puedeng dapuang istasyon sa FM Radyo kung sakaling mabara tayo sa traffic. Isa itong semi classic rock station at doon mo lang maririnig ang mga paborito nating tugtugin nung panahong sikat pa ang ornacol vitamins. Ang maganda pa nito ay hindi siya static, hindi katulad nung nagsarang classic rock station na nasa AM. Sigurado puputok na naman ito sa mga rock classic listeners dahil narinig ko minsan sa kanila na kinuha nila si Howlin Dave para hawakan ang Sunday pinoy rock and rhythim, rithim, rhythym ah basta, si Dante David ang uupo sa booth kapag linggo, alas dose hanggang alas tres ng hapon. Sira na naman ang beauty rest ko nito, dahil aabangan ko ito. Matagal na rin akong hindi nakikinig sa mga radio stations mula nung mauso yung MP3, kasi sa MP3, puede mong piliin ang gusto mong marinig na tugtog, at wala ka pang dapat imemorize. Pero nung mapasadahan ko ang nasabing classic rock station o kung tawagin nila ay "underground station", bigla akong nagkainteres uling makinig sa radyo. Sana naman gawin nilang totoong classic rock station, kasi baka mamaya may mga tatay na maimpluwensya jan at ipasingit yung mga tugtog nung mga anak nilang naging combo, kahit wala naman talagang tono yung mga komposisyon nila. Ang dami ko na ngang isinulat ng request para patugtugin nila sa kanilang istasyon. The beat goes on, put your money where you mouth is, that's the way i like it...aha aha, oops teka sa ibang istayon ko pala request ang mga kantang ito, nabuko tuloy akong hilaw na rocker.

Friday, July 20, 2007

Charub


Sa wakas nakakain na rin ako sa Steak MD. Una ko itong napansin nung minsang mailagay sila sa isang magazine na may topic tungkol sa chibug. Siguro dalawang taon na rin yun nung mabasa ko sila dun sa magazine na ano, yung ano ba, yung FHM (nahihiya pa kunyari). Hindi ko lang masyadong binigyan ng pansin (mas marami kasi yung pikyur nung mga babae dun sa magazine). Kasi kapag nabasa mo na agad yung salitang "steak", tapos sa Tomas Morato pa nakapuwesto yung kainan, isa lang ang ibig sabihin nun, MAHAL JAN. Kaya nung minsang nagka-usap kami ni Jun D. (ang legal na tulak ng Q.C), ay nabanggit nya sa akin ang Steak MD. Nirekumenda niya sa akin ito dahil masarap daw at mura pa. May phobie, phobvia, phomela baranda, phophoy, ah basta, may takot kasi ako sa mga kainan jan sa Tomas Morato. Ang tingin ko ba lahat sa kainan jan ay kailangan kong magtapon ng thousand thousasses para lang masubukan ko ang mga kainan diyan. Kaya nung banggitin sa akin ni Jun D. na mura lang ang chibug sa Steak MD ay hindi ko na hinintay na maaprubahan ang loan ko sa GSIS, pumunta na agad ako doon at sinubok ang pinagmamalaki niyang kainan. Ang inorder ko dun ay yung 333g na PRTHS (Porterhouse ogags, pinaigsi ko lang) na Butter Rub Thick (ikaw kasi ang pipili kung anong timpla ang gusto mo), samantalang yung buraot na kasama ko ay T. Bone naman na niluto ChaRub style (manamis namis na maanghang anghang). Halos hindi ko pa naibubulsa yung astray nila ay dumating na yung order namin. Sa hitsura pa lang ay mukhang masarap na kaya hindi na ako nagpatumpik tumpik pa, huminga lang ako ng malalim sabay pikit sandali at nag thank you Lord, sabay attttttackkkk. Masarap ang timpla at malambot talaga ang steak nila. Dalawa nga ang order naming kanin, pero pinakansel ko agad yung isa, kasi mahina naman kami sa kanin kaya kasya na yung isang order sa amin. Tinanong ko nga yung waiter na babae kung meron silang pandelimon, kasi mas type kong kumain ng steak na ang katerno ay tinapay kesa kanin o kaya ay yung sidings lang na "smash potato", ooops bago nyo ko korekin, alam kong "mashed potato" lang ang tawag doon, kaya lang ay may kaibigan ako na "smashed potato" ang tawag dun, kasi dinudurog daw iyon kapag lulutuin, getching mo na. BTW, sa dinami dami ng nakainan kong mga resto na nagbebenta ng steak o mukhang inisteak, isa itong Steak MD na may appeal agad sa akin, kahit first time kung nakalaklak doon. Masarap kasi talaga ang timpla nila at...ah basta masarap, hindi ko maideskrayb kung ano yung nadama ko nung unang subo ko nung steak nila. Pero isa lang ang napuna ko, mukhang kulang pa yata sa tubig yung kanin nyo, kasi medyo matigas pa. Ang Steak MD ay makikita nyo nga pala dun sa side ng Tomas "Murato" (mura dito), malapit na dun sa outpost ng mga MMDA na laging nanghuhuli, wala akong sinabing nangongotong ha, bastos.

Thursday, July 19, 2007

Sakana wa nani ga oishii desu ka?


May bagong chibugan na naman akong nasubukan, ito yung Rai Rai (meaning- welcome) Ken (meaning-restaurant) Ramen House and Sushi Bar. Isa itong Japanese resto, pero aktuwali ang origin ng word na Rai Rai ay sa China, pero wala na akong paki-alam doon, basta ang masasabi ko lang ay masarap ang chibug nila. Sinubok ko dito yung Tuna and Tempura Bento, ito yung may kaunting kanin, Tuna na may Teriyaki sauce, Ebi Tempura, Moyashi Itame at isang drum na soup. Sa soup pa lang ay panalo ka na sa lasa, may timpla talaga siya, hindi katulad noong ibang soup jan na pinakuluang medyas lang at nilagyan ng knorr cubes. Yung namang buraot na kasama ko, ang inorder niya ay yung Kanton Men (letter N ang huli hindi T mga bastos), isang rekwang noodles ito na may fresh vegetables, karne, kaunting seafoods, may tufu pa nga akong nakitang nakalutang sa lintek na bowl. Masarap din daw sabi nung kasama ko. Dahil na rin sa mura lang ang chibug dito, umorder pa kami ng kaunting Niniko Gyoza, malaking version ito ng siomai na may kaunting garlic. In short, solb kami. Ano nga ba sa Japanese yung masarap na mura pa? Ah alam ko na, "Irashai Mase".

Sunday, July 15, 2007

Files do not delete

I see trees of green........ red roses too

I see em bloom..... for me and for you

And I think to myself.... what a wonderful world.


The colors of a rainbow.....so pretty ..in the sky


Are also on the faces.....of people ..going by


I see friends shaking hands.....sayin.. how do you do

Yes I think to myself .......what a wonderful world.


Twas the night before Sunday, when our drinking buddies started to come in one by one at our favorite hang-out, Coyote's place. Nope not another gas price increase nor a coup in the making. Were not even there to plan our next move on the upcoming sequel of Da Vinci's code. Just an ordinary Saturday with a little belated celebration on Coyote's birthday. SNY is the early bird or is it the early bees. He came with his favorite pasalubong, the locally breed tilapia sa sapa. The celebrant, I think the proper word is "the taya", is panicking as early as six o clock in the evening. The reason? SNY is gulping one beer after the other, and thats one good reason for "the taya" to panick. I came at around eight in the evening tagging along my trusted close in security, (read: the Utol) and found out that Pareng Seryo "the serious guy of all" is already sitting comfortably in one corner, ice cold beer on one hand and a grilled tilapia on the other hand. Together with "the taya" and SNY, we greeted each other before ordering a free ice cold beer. The smell of the sizzling sisig started to attract my undying taste bud, but not for now, because i don't want to collapse with my stomach full of sisig, nakakahiya sa doktor. I'd rather be found frothing with ice cold serbesa on my mouth. We are almost starting to become noisy, when suddenly, a car unknown to us skidded on the side. Suprise of all suprises, it was Jun D. (the drug pusher, legally speaking, because he works in one big pharmaceutical company). He told us later that his car just met an untimely incident and the one he is using now is from his dad's trash bin. Jun D then prepared his altek sound system and before we knew it, we are all listening to the Jerks "reklamo ng reklamo, gustong maging amerkano". Ipe or chikong to his parents then appeared from nowhere, ready to join us in our drinking spree. Now the boys are all here, except for Bulldog, who cares? we all chorused. As the drinking spree became deeper, we were able to cover a lot of topic, from new scooters and the report of an accident that came with it especially the XRM (no offense meant sirs) to the Philadelphia Experiment, the life of an illegal immigrant in Tate and even the future (meron pa ba?) that awaits all of us. We even joked about who's the first guy who will get a stroke (but in reality it might happen to all of us). We also laughed at SNY's pet snake who knows how to perform a BJ (not your usual Buko Juice loko, but the real thing). Masaya is the word whenever we have the time to see each other, may pera man o wala. Even the simple tampuhan, like who puffs the chong que (chinese weeds) most o who ate the sisig most, was put under the bed sheet, just for the sake of camaraderie. I always knew that a nice get together is nearing to an end when all of us are talking at the same time and kanya kanya ng bidahan (mas laos sa lolo ko yan). But for us, its all bidahan lang talaga and no kulitan, except for Bulldog, who was not able to make it, who cares? we all chorused again. It's almost 2 in the morning when i looked at my cellphone watch, and still no one wanted to leave. Beer? we still have two bottles for each other, pangbanlaw na lang, after consuming lots of beer. But the real perks here is not the ice cold serbesa but the samahan ng mga tropa, forget about who is the kuripot, who is the mangugulang, who is the "drawing", who is the mayabang or who is the buraot. What happened on the night before Sunday was a happy gathering of old friends and i'm sure it will go down on our memory bank, filed as "happy moments", may na stroke man o wala.


Saturday, July 14, 2007

This is the day- Your life will surely change

Halos hindi tumitigil ang tunog ng beeper at easy call ko, samantalang ang CB Radio ko naman ay panay ang pasok ng mga "breaker". Hindi kasi sila lahat magkandatuto dahil ngayon pala gagawin ni Coyote ang kanyang "Family Affair". Yun nga raw isang kakosa namin sa kuwadradong mesa ay nakaungaong na dun sa haybol ni Coyote. Sigurado, sagaran na naman ang laban namin dito, matagal na rin naman kaming nagkaharap ng mga tropa, dahil na rin sa nagpanggap kaming busy lahat sa buhay. Pero ang totoo noon ay nagmahal lang talaga ang erbuk at pulutan kaya bihira kaming magkita kits. Para tuloy fiesta sa looban namin ngayon, masyadong abala ang mga nocturnal boys dahil alam nila na "this is the day, our life will surely change". Makapagbihis na nga at baka maubusan pa ako ng malamig na serbesa. Bukas ko na itutuloy ang kuwento ko tungkol sa lintek na bertdeyan. Hayan tumunog na naman ang beeper ko, hinahanap na raw kami dahil yung isang nakaungaong doon sa bahay nila Coyote ay tumotoma na raw....TIRHAN NYO KAMI MGA HINDOROPOT.

Friday, July 13, 2007

Bogtyalilayts

May bago na naman akong nadiskubreng chibugan, malapit lang doon sa bagong bukas na the block sa west avenue. Flavors of China ang pangalan, marami silang masasarap ng chibug doon, pero dahil dalawa lang naman kaming lalapa ay minabuti naming piliin na yung pinakagusto naming lantakan. Ang napili ko ay yung sauteed mixed vegetable with young chow at sizzling tenderloin beef in honey glazed at isang banyerang flalies (read: fried rice). Pagdating nung order namin ay ayos ang pagkakagawa at marami ang bigayan, hindi krisis. Una kong napuna ay yung mixed vegetable nila, kasi mahilig talaga ako sa gulay kaya tinikman ko agad yung hinayupak na ulam. Suabe ang lasa at hindi lanta ang pagkakaluto nung gulay, meron kasing ibang mga cook na durog na yung gulay pag dating sa mesa mo. Yun namang tenderloin beef in honey glazed ay ok din ang timpla, kaya lang medyo kakaunti yata ang bigayan nila dito. Sana naman sa susunod ay dagdagan nila ng kaunti kasi mura lang naman ang beef. Pero in fairness to the highness, ayos ang lasa lalo't tatabunan mo ng flalies yung ulam tapos isasawsaw mo sa toyo and kalamansi na may chili garlic, tapos ang buto buto. Halos nakatatlong sandok nga ako ng flalies, ganung masyado pa naman akong conciues, conscious, consuios basta bawal sa akin ang maraming kanin kasi lumalaki ang tiyan ko, hindi tuloy malaman nung serbesang malamig na ininom ko kung saan siya lalagay sa tiyan ko. Kaya kapag naligaw kayo sa the block ay silipin nyo ito, huwag nyo ring kalilimutan parefill lagi ang ice tea nyo dahil one to sawa ito, ika nga sa ingles ay "unlimited", parang internet connection yata yung term ko dun ah.

Tuesday, July 10, 2007

Live man gid

Kainis naman ang mga may pakana nung live earth concert na ginawa sa ilang parte ng mundo. Yung live earth ay isang malawakang konserto na pinamunuan nung mga grupong samahan ng bantay kalikasan, para tawagin ang pansin ng mga pipol sa earth na maghulos dili sa mga pinaggagawa nilang paninira sa earth natin. Marami ang nagpalistang musikero para tumugtog, kaya nung nabasa ko ito sa isang pahayagan na puedeng ericycle, ay agad akong nagbukas ng Radiowealth TV namin para abangan ang nasabing konserto. Pero lungkot dahil puro news footages lang ng nasabing konserto ang ipinakikita. Sinubukan kong manood sa internet kung saan puede raw itong mapanood sa isang site ng msn. Ang problema naman, dahil sa sobrang bilis ng internet koneksyon ko, kahit utot man lang ni madonna ay hindi ko narinig. Kaya ang sunod na sinubukan ko ay ang internet radio kung saan puede rin daw pakinggan ang aktuwal na konserto. Ayos nakarating ako sa site nung sinasabing internet radio, pero dapat pala ay mag register muna ako. Sinubukan ko ring mag register pero siguro sa dami nang gustong magpalista ay hindi rin ako nakapasok. Kawawa naman kaming mga pagpag eaters, sa telebisyon na nga lang kami umaasang mapanood ang mga paborito naming musikero, kaso hindi pa ipinalabas sa pinas. Pero ok lang, hindi ba nila alam na ang pinas ang tinatawag na pirated DVD capital of the world, malamang 12 + 1 pa ang live earth concert na iyan kapag dumapo na sa kamay ng mga pirata. In the meantime, pagtitiyagaan ko na lang muna yung betamax tape ko nung No Nukes concert.

Saturday, July 07, 2007

Welcome to my nightmare, i hope i didn't scare you

Moonshiner: Hello wala po akong internet connection.
Call Center Employee: Hello this is James Bond, puede pong malaman ang pangalan nyo sir?
M: Vinton Robert Cerf Khan
CCE: Yun naman pong service id number nyo?
M: 10071207
CCE: Sandali lang po chechekin ko lang ang base station kung may technical activity.

Pagkatapos ng ilang minutong paghihintay...
CCE: Sir Vint Cerf, upon checking naman po sa base station ay ok naman.
M: So bakit wala pa rin akong internet connection?
CCE: Sir pamilyar ba kayo sa ping test? pakibuksan naman po ang command prompt.
M: Ok nandito na ako sa command prompt.
CCE: Paki type naman po yung ipconfig /all.
M: Ok na type ko na
CCE: Ano po ang lumabas na IP address?
M: 123.456.789.101
CCE: Ok, paki type naman po yung ping 10.0.0.1
M: Ok na type ko na 100% loss naman
CCE: Paki type din po yung ping 203. 87.128.3 at pagktapos ay yung 203.87.128.4
M: Parehong 100% loss
CCE: Ping nyo naman yung 203.84.191.216
M: 25% loss
CCE: Ping nyo naman yung 192.168.224.1
M: 50% loss
CCE: Sir pamilyar po ba kayo sa Speed Test, paki type nyo po sa browser bar nyo.
M: Sandali lang at nagloload pa lang.

Pagkatapos ng siyam na minutong paghihintay para mag load ang Speed Test.
M: Ok 9.60 kbps
CCE: Ok sir after checking your connection and after conducting some troubleshooting, ginawan ko na po ng report at pinorward ko na rin po sa higher tech for evaluation. In the meantime, keep an eye on your connection within 24 hours at kapag wala pa rin pong nangyari ay igagawa ko uli ng follow-up report.
M: Ok thanks.
CCE: Is that all sir? any other concern po?
Moonshiner: Yes, wala akong internet connection.
Call Center Employee: Puede pong malaman ang pangalan nyo sir?
M: (this time i changed my name) Pink Panther po
CCE: Yun naman pong service id number nyo?
M: 10071207
CCE: Sandali lang po chechekin ko lang ang base station kung may technical activity.

Pagkatapos ng ilang minutong paghihintay...
CCE: Mr. Panther, upon checking naman po sa base station ay ok naman.
M: So bakit wala pa rin akong internet connection?
CCE: Sir pamilyar ba kayo sa ping test? pakibuksan naman po ang command prompt.
M: Ok nandito na ako sa command prompt.
CCE: Paki type naman po yung ipconfig /all.
M: Ok na type ko na
CCE: Ano po ang lumabas na IP address?
M: 123.456.789.101
CCE: Ok, paki type naman po yung ping 10.0.0.1
M: Ok na type ko na 100% loss naman
CCE: Paki type din po yung ping 203. 87.128.3 at pagktapos ay yung 203.87.128.4
M: Parehong 100% loss
CCE: Ping nyo naman yung 203.84.191.216
M: 25% loss
CCE: Ping nyo naman yung 192.168.224.1
M: 50% loss
CCE: Sir pamilyar po ba kayo sa Speed Test, paki type nyo po sa browser bar nyo.
M: Sandali lang at nagloload pa lang.

Pagkatapos ng siyam na minutong paghihintay para mag load ang Speed Test.
M: Ok 9.60 kbps
CCE: Ok sir after checking your connection and after conducting some troubleshooting, ginawan ko na po ng report at pinorward ko na rin po sa higher tech for evaluation. In the meantime, keep an eye on your connection within 24 hours at kapag wala pa rin pong nangyari ay igagawa ko uli ng follow-up report.
M: Endayyyyy, paki-kuha nga yung valium ko jan sa ilalim ng kama at yung baseball bat ko. Buksan mo na rin yung beer in can at akina lahat yan.
CCE: I'm sorry sir, James Bond po ang name ko at hindi enday. Wala rin po kaming inooper na valium, baseball bat at ice cold beer in can. Try nyo po dial ang 71207, dun po ang mga outbound call center employee. Is that all sir?
M: Sus (sabay kasa ko ng pirated DVD ng Live Earth concert at pinanood si Chaka Khan).

Siyete ka jan

Ngayon ay July 07, 2007, in short 777, masuwerte daw ang araw na ito, kaya sigurado, maraming tataya ng lotto ngayon, marami rin ang magpapakasal sa araw na ito, baka nga naman suwertihin sila. May mga mapagsamantalang manyak naman ngayon ang magyaya sa kanilang mga syota na pumasok sila sa loob ng room 777 at bumayad ng seven hundred seventy seven pesos, para magpaputok ng seven times. Pero bakit nga ba marami ang naniniwala sa mga suwerte ng numero, totoo nga kaya ito. Kaya pala nung nakaraang taon ay marami ang hindi lumabas ng bahay nung June 06, 2006 dahil baka naman sila malasin. Kung minsan parang nagiging komersyal na rin tuloy ang mga ganitong pagkakataon. Subukin mong lumabas ng bahay ngayon at mamasyal sa mga mall, kahit saang mall, puede sa SM Megamall, North EDSA Mall, SM Marilao, SM Centerpoint, SM Tayuman, teka mukhang puro SM na lang yata ang mall ngayon (para sa pagpag eaters lang naman ang choice na yan). Tignan nyo mamaya puno ang mga mall na yan, kasi gusto ng mga pipol na magiging memorable ang kanilang triple 7, madali nga namang tandaan kung nasaan ka nung araw na iyon. Ang siguradong tatabo na naman ng kita dito ay ang mga singkit na negosyante. May nabalitaan pa nga ako na marami raw ang gustong pumasyal sa bahay ni Jaworski ngayon para magmano at pahiran ng panyo ang kanyang buong katawan ala Sto. Nino sa Quiapo. Para sa akin isang simpleng araw lang din ngayon kahit na ba puro siete siya. Ang hinihintay kong petsa ay yung 071207, dahil sa araw na iyon ay siguradong susuwertihin kami huwag lang magkakaroon ng family affair. Sige mga bro isiyete nyo na.

Thursday, July 05, 2007

You keep all your money in a big brown bag inside a zoo

May bago na naman akong nadiskubreng chibugan, ito yung Highland Steakhouse na matatagpuan sa MOA. Una ko itong narinig dun sa mga kakilala kong may kaya. Sa Tagaytay daw nagsimula ang kainang ito, at "exclusive for members only" lang ang puedeng chumibog doon. Masarap daw ang Rib Eye Steak nila at maganda ang ambence, ambianse, ambiance, basta maganda daw ang loob ng restoran, log cabin ang interior. Kaya nung mabalitaan ko na nagbukas sila sa MOA ay agad na kinontak ko si Mang Henry. Gusto ko kasing malaman kung magkano ba ang magagastos ko kung sakaling chumibog ako doon. Ang masamang parte ay nag-iba na pala ng cell number si Mang Henry, kaya hindi ako nakakuha ng impormasyon sa lokong taipan. Weno may internet naman, kaya ang sumunod na ginawa ko ay tinignan ko ang website ng nasabing chibugan. Sa aking pagsasaliksik, nalaman ko na ang isang Rib Eye Steak na 14oz pala sa nasabing chibugan ay nagkakahalaga ng P1,450, wala pang kasamang drinks yun manong. Pero puede ka naman palang umorder ng kalahati, so P1,450 devided by 2 equals 700+. Seven hundred plus para sa isang tanghalian? tangina ny...oops sorry nabigla lang ako, i did not mean any harm, sorry uli. Pero ang P700 hundred ko ay makakabili na ng tatlong pirasong bangus worth P200, isang kilong tapahing baka, yung malambot na yun worth P220, isang kilong choice's cut na manok worth P130.00, Isang kilong liempo, P140.00 at may sukli pa ako para mabigyan ang mga batang paslit at yung watch my car boy. Pero mag-iipon pa rin ako dahil masarap daw talaga kumain ng steak jan, hinahanda ko na nga yung instamatic camera ko at 36 shots na negative. Pag nagkaroon na ako ng budget para chumibog jan, sisiguraduhin kong marami akong souvenir shot sa loob ng nasabing steakhouse, lalo na dun sa log cabin interior na pinagmamalaki nila na maganda raw talaga. Ano na nga kaya ang bagong cell number ni Mang Henry.

God is a concept, by which we can measure, our pain

Napapadaan ba kayo jan sa may kanto ng Araneta Avenue at Quezon Avenue (Avs sa mga taga makati). Kung madalas kayong mapadaan jan, ay napuna nyo na rin siguro yung mga batang paslit doon na biglang lalapit sa sasakyan ninyo kapag nakahinto kayo, at pupunasan ang inyong windshield, sabay kakatok sa inyo para humingi ng limos. Madalas kasi akong lapitan ng mga damuho, kapag rin lang may barya ako, (sabagay mas madalas na barya naman talaga ang dala ko), ay aabutan ko sila para umalis na agad sa harap ko. Nung nagtagal na ay parang napupuna ko na parang lagi na lang ako ang nilalapitan nung mga bata. Kahit malayo ang sasakyan ko sa kanto ng Araneta Avs at Quezon Avs ay nakikita pa rin nila ako at sa akin pa rin lumalapit. Iniisip ko tuloy na baka natatandaan na nila ang plaka ng sasakyan ko, kaya kapag parating na ako ay nakaabang na sila (jan kasi ang ruta ko araw-araw). Pero minsan nung pauwi na ako, napadaan ako sa A. Bonifacio Avs at inabutan ako ng red light (hinto ang meaning nun baduy), ang ipinagtataka ko, malayo naman ang sasakyan ko dun sa kanto kung saan naglipana ang mga batang paslit. Ang ikinagulat ko ay kung bakit sa akin pa rin lumapit yung mga bata, hindi naman ako regular na nadadaan dun at lalo namang hindi na siguro nila kakilala yung mga bata sa Araneta Avs. Kaya nagulat ako nung sa akin na naman lumapit at sinabakan ng linis yung windshield ko. Natanong ko tuloy sa sarili ko, bakit na lang ba sa araw araw na ginawa ng Diyos, ako ang nadadapule ng mga ito. Diyos nga kaya ang may gusto nito na lapitan ako ng mga batang paslit, dahil alam ni Bossing (the Diyos) na may barya pa akong ibibigay sa kanila. Kung ang iniisip ko naman na kasi medyo bago ang sasakyan ko, mali ako doon. Kasi minsan may mga katabi akong sasakyan na mas mamahalin at mas bago kesa sa car ko (yan ang tawag ng mga taga makati sa sasakyan-car), pero bakit sa akin lumalapit ang mga damuho. Kaya mula noon ay naghanda na lagi ako ng maraming barya sa car ko, para pag lapit nung mga Angel na paslit, at manghihingi ng limos, ay may maibibigay ako sa kanila, kahit barya lang, dahil yung mga buo ko ay para sa mga ka-table ko yun inaabot.

Monday, July 02, 2007

some are dead and some are living

Biglang nanayo ang mga balahibo ko sa talampakan, nang hindi sinasadyang nailipat ko ang channel ng Radiowealth TV namin sa CNN station, kung saan si Larry King ay kinakausap ang dalawang natitirang Beatles na si Kuya Paul at Kuya Ringo. Ang maganda pa nito ay kasama rin sa nasabing palabas ang balo ni Kuya John na si Ate Yoko at balo ni Kuya George na si Ate Olivia. Bihirang mangyari ito, lalo na sa inabot na estado ng Fab Four. May alingasngas pa nga noon na kaya nagkahiwalay ang apat na lintek ay dahil na rin sa laging naka-ungaong itong si Ate Yoko kay nasirang Johnnie beybe. Kaya laging gulat ko nung makita ko silang apat na magkakadikit sa upuan at kausap ni Kuya Larry. Ang dahilan pala kaya sila napagsamang lahat ay dahil na rin sa isang show na pinamagatang "cirque du soleil" na ginawa ni Guy Laliberte at sa tulong na rin ni Giles Martin (anak na kaya ito ni George Martin). Malakas pa rin ang dating sa tao ng mga tugtog na Beatles, kahit ilang taon na ang nakakaraan. Alam nyo bang ang Sgt. Peppers Lonely Hearts Club Band na album ay nagdidiwang din ng ika apatnapung taong anibersaryo ngayon. Saan kaya sila mag-iinuman mamaya, para makapunta at malapitan man lang si Kuya Ringo, may isasalya kasi akong mga gintong singsing sa kanya at mga lumang plaka ng Rolling Stone.

Sunday, July 01, 2007

who do you think we are...we don't care

Namputz ang bilis talaga ng araw, parang hinihila ang panahon. Isang taon na rin pala ang blog na ito. Parang kailan lang ay nagkukutkot pa ako ng mga libreng design para ikapit sa gagawin kong journals, tapos kamukat mukat mo ay naka isang taon na rin pala ako. Ika nga ng Tears for Fears, "funny how time flies". Sino ba naman ang hindi matutuwa, nung una kasi, ang gusto ko lang ay makita ang sarili kong mukha sa internet at maikuwento ang mga erbukan (inuman) namin ng mga tropa. Teka parang may naalala ako bigla, inuman ng mga tropa? parang sa a-dose ng hulyo ay may magpapa-erbuk sa amin at siguradong madadagdag na naman ito sa journals ko...sayo ang alak, sayo ang pulutan, hapi hapi, hapi beerday.

I like smoke and lightning, heavy metal thunder...

Sang-ayon ba kayo dun sa pinaiingay na sangay ng gobyerno, na dapat daw lagyan ng sticker, o kahit ipinta ang mga plate number ng mga motorsiklo sa mga helmet, para daw maiwasan ang tinatawag na riders in tandem with bad intention. Ano kayang isip meron ang nag-isip nito, san ka naman nakakita ng ganung solusyon, para daw maiwasan ang krimen. Sa palagay nyo ba, kung sakaling ipasunod nga iyong paglalagay ng sticker o pintura sa naturang helmet ng motorista ay maiiwasan na ang krimen. Busettt mga hindoropot, hindi ba ganyan din ang ginawa ninyo nung hinigpitan ninyo ang pagpapalabas ng PTCFOOR o Permit To Carry Firearms Outside Of Residence". Nasawata nyo ba ang krimen, hindi naman, lalo pa ngang lumakas ang loob nung mga masasama ang laman loob, dahil alam nilang walang armas ang mga law abiding citizens, dahil hindi makakuha ng PTC-achuchu. Isa lang ang ibig sabihin kung bakit gusto ninyong mapasunod ang paglalagay ng sticker o pagpinta sa helmet ng mga motorista, dagdag corapsion, corruption, coraption, busettt dagdag kotong.

When the dog bites, when the bee stings, when i'm feeling sad...

Hanep sa wakas ay inilabas na rin ng Apple ang pinakahinhintay ng lahat, yung Iphone. Halos mapuno ang labas ng nuyok sa dami ng taong pumila para makabili ng nasabing inteligent phone. Sa halagang $499 para sa 4GB at $599 para sa 8GB, siguradong sulit na sulit ang makakabili nito. Kasi may kasabihan tayo na money can't buy happiness, pero dito sa isang ito, mukhang maiiba ang kasabihan. Matagal ko na ring narinig ang pinag-uusapang Iphone, natignan ko na rin ang "specs" niya sa website ng Apple at sa kakaunting nalalaman ko sa technology ay mukhang ito sa ngayon ang tinatawag na holy grail ng mga cellphone. Masarap din makahawak ng "first edition" kahit na sa anong bagay, kahit sa chicks nga, masarap ikaw yung "first edition" niya di ba, kasi collectors item agad iyan, lalo na kung yung mabibili mong Iphone ay hindi mo gagamitin ay itatabi mo ng nakakahon pa. Pero sigurado, dadagdagan pa ng mga taga Apple ang capacity niyan, katulad ng ginawa nila sa kanilang Ipod, kung saan "Fifth Edition" na ang lumabas at umabot na sa 80GB ang capacity. Kaya nga sabi nung ibang marurunong ay puede mo raw ilagay lahat ang cover version ng Yesterday na ginawa ni manong Paul dun sa Ipod mo. Kainis, kasi dito ako isinilang sa pinas, kung sa tate siguro ako lumaki, baka hindi ko na nasulat ang journal na ito, kasi siguradong kinukutkot ko ngayon yung bago kong Iphone.