Kanina ay naligaw ako sa bandang Granada, ewan ko kung sakop pa ito ng Ortigas o Q.C. Kasi kadugtong ito ng Ortigas. Newey, nagkaroon tuloy ako ng pagkakataon na makakain sa JT's Manukan. Simpleng kainan lang ito pero laging maraming tao. Ang espesyal na pagkain dito ay...hulaan ninyo...Yes, manok na inihaw. Ang inorder ko ay yung Paa at Thigh at isang batekolon (tama ba yun), laman loob ito ng manok na inihaw sa isang espesyal na soz. Yung buraot naman na kasama ko ay umorder ng La Paz Batchoy at pasigaw pang sinabi dun sa waitress na lalaki na lagyan ng egg. Samantalang yung isang buraot naman na kasama ko, krishna yata ito, kaya ang inorder ay boneless na bangus. Habang hinihintay namin ang order namin ay inispatan ko yung ibang kumakain. Puro mukhang ganado sila at siguro mga regular na kostumer na sila dito, kasi ang tawag nila dun sa babae na kumukuha ng order ay Ate, samantalang yung lalaking nagdadala naman ng mga sawsawan at tubig ang tawag nila ay Kuya. Yung isang buraot na kasama ko ay napagtripang tignan yung mga nakasabit na litrato, napuna nya kasi yung isang nakasabit na puro litrato ng mga bayani (Jose Rizal, Juan Luna etc.), sinabi nya pa nga sa amin kung saan libro kinopya yung litrato na yun. Nang dumating na ang mga inorder namin ay pumikit lang ako sandali at nag thank you Lord. Bussettt, nung dumilat ako kumakain na yung dalawang buraot na kasama ko. Hindi na pala sila nag thank you Lord at sinabakan na ng kain. Iba talaga kapag masarap ang luto, kala ko pa naman ay nakapikit din sila at magtetenkyu Lord, yun pala binirahan na ng chibug. Habang kumakain kami ay napuna ko na maraming nakalagay na litrato ng isang kilalang artista, hindi ko naman matanong si Kuya o si Ate kung bakit nakalagay doon ang litrato nung batikang aktor. Masyado kasi silang abala sa pagkuha ng mga order nung ibang kostumer. Kaya nung matapos kaming kumain at kunin ko na ang chit, (siempre pa, inabot na rin namin yung pekeng senior citizens I.D na dala namin), hindi ko na napigilan na tanungin si Kuya kung bakit puro litrato nang batikang aktor ang nakadikit sa mga dingding ng kainan nila. Bakit wala silang litrato man lang ni James Taylor. Hindi ba ang ibig sabihin ng JT's Manukan ay James Taylor's Manukan?, nagtatanong lang naman, masama ba yun eh kuryus lang ako.
Thursday, July 26, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment