Saturday, July 28, 2007

So that when they turn their backs on you, You’ll get the chance to put the knife in.


Salamat at sabado na naman, kahit namamaga pa ang paa ko dahil sa hindoropot na gout ay ok lang, basta wala lang akong iniisip ngayon na dapat akong magbihis ng magara at makipagsiksikan sa trapik, makipag-usap sa mga asshole na kliyente, kumain ng steak o lugaw depende sa intel budget ko. Kaya kapag sabado ay magaan ang loob ko. Ang una kong ritwal pagkagising ay...siempre mag ayos muna sa banyo, tapos kalabitin yung gitara (habang nakababad sa maligamgam na tubig yung maga kong paa). Nalagyan ko na rin ng turnilyo yung "flaring" ng motor ko, nawala kasi yung isa. Pagkatapos ay inilabas ko ang motor para naman maiinit, bihira kasi itong tumakbo ng malayo. Nung nagmomotor na ako ay may nakasalubong akong sasakyan ng pulis na nagwawangwang at ubod ng tulin kung magpatakbo. Asshole ang nasambit ko na lang sa sarili ko, naisip ko tuloy na nahuli na siguro yung nagnanakaw ng mga metro ng tubig (talamak kasi dito sa amin iyon). Saan ka ba naman nakakita ng ganitong klaseng buhay, wala namang trapik, dahil looban naman yung dinadaanan ko, pero itong dalawang bagitong pulis na sakay nung patrol car nila ay ubod ng tulin sa pagpapatakbo. Binaliwala ko na lang ang nangyari, kasi baka masira ang magandang sabado ko. Nung maka-ikot na ako sa highway ay tinungo ko na ang daan pabalik sa village namin. May kaunti akong napuna na hindi pangkaraniwang nangyayari sa lugar namin tuwing araw ng sabado. Tila yata maraming tao sa harap ng baranggay at nakita ko muli yung patrol car na nagwawangwang kanina. Dahil na rin sa wala akong ibang daraanan kungdi dun din sa kalsadang iyon, ay minabuti ko nang mag-uzi. Doon ko nakita na may nakabulagtang mama sa harap ng tricycle. Sa unang tingin ko pa lang ay sigurado kong dedbol na ito, malaki ang pangagatawan pero ika nga sa baseball ay "out na" or dead. Siempre pa, marami na ang nakauna dun sa lugar ng pinangyarihan, kaya nakitanong na rin ako. Naikuwento sa akin nung isang kausap ko na ayaw ipabanggit ang pangalan, na yung mama raw na nakahandusay dun sa gilid ng baranggay hall namin ay tricycle driver at dating vice president ng kanilang tricycle drivers association. Ayon na rin dun sa saksi, nakapila daw itong napatay na driver at may pasahero na. Nung akmang aabante na siya, ay may lumapit na mama, mga bente singko anyos daw at sabay bumunot ng baril (kalibre .45), pinutukan agad si pogi ng dalawang beses at saka tumakbo patungo sa isang van na naghihintay sa kanya sa hindi naman kalayuan. Nung maglinaw ang tabakuhan ay nakita na lang nila si vice president na nakahandusay na sa daan-DEAD (sa harap mismo ng baranggay hall na nirerespeto namin, dahil na rin sa dami ng nakabantay na baranggay security). Madalas na akong makapanood sa telebisyon ng mga napapatay, pero para sa akin ay isang ordinaryong balita na lang iyan, lalo na't sa pilipinas nangyari. Pero iba pala kapag nakakita ka nung "live". Ito nga ay huli na nung makita ko, eh di lalo pa siguro kung nasaksihan mo yun habang isinasagawa pa lang. Masayado na talagang talamak ang krimen dito sa bansa natin. Nung isang araw lang ay may ikinukuwento naman yung isang guro na ayaw ding ipabanggit ang pangalan. Pinatay daw yung tatay nung estudyante nila ng mga hindi kilalang salarin. Ang kuwento naman ay pinuntahan daw sa harap ng bahay yung biktima at walang habas na pinagbabaril. Wala naman daw kinuha yung pumatay, kaya ang anggulong pagnanakaw ay inalis na sa imbistigasyon, in short walang suspek. Ganito na ba talaga kadelikado sa pinas?, wala na bang respeto ang mga tao sa batas, kaya sila na mismo ang gumagawa ng sarili nilang aksyon. Nahahabag ako sa nangyayari sa paligid natin. Para tayong nasa "wild wild west" kung saan isa lang ang batas. Either you're quick or you're dead. Ilan na bang mga krimen ang naresolba? halos mabibilang lang natin sa daliri natin. Sino ba ang dapat magbantay para maiwasan ang krimen? ang mga pulis ba o tayong mga ordinaryong mamamayan na hindi man lang makakuha ng permit to carry firearms outside of residence. Kaya siguro malakas din ang loob ng mga kriminal ngayon dahil alam nilang sila lang ang puedeng magdala ng armas, dahil yung mga law abiding citizens ay kailangan pang magbayad ng kung ilang libong piso para lang magkaroon ng PTCFOOR. Kaya nga ako kahit naglalakad lang ay parating nakasuot ang helmet ko at nakalagay pa doon yung plate number nung motor at kotse ko, yung favorite color ko, my motto, my ambition, last known address and job, three disinterested person na kilala ako mula nung isinilang ako at GSIS, SSS, intel call sign at assigned number. At least, pagdaan ko sa check point ay hindi ako mapapagkamalang kriminal nung mga pulis.. na walang silbi.

0 comments: