Naaalala nyo pa ba yung dati nyong tropa? Yung bang mga kababata nyo na kasabay mo sa mga kapilyuhan nung araw. Bigla kasing pumasok sa isip ko yung mga kababata ko sa kankaloo sa may libis talisay nung minsang mapagkuwentuhan namin ni erpat yung lugar na kinalakihan namin. Kaya bigla kong naalala si Noel, Ging-ging, Mecho, Delyo at Nono, mga kababata na kasabay kong nangunguha ng duhat sa bakuran ni Aling Kodyang, marami kasi dun malalaking puno nung araw. Sila rin ang mga kasama ko sa ilog kapag namamangka kami at nanghuhuli ng mga kataba, mga kasabay kong umiitim sa itaas ng bubong habang nagpapalipad ng saranggola at kung minsan naman ay pumapalakpak sa mga kalapati habang nagliligid sa ere at kung uso naman ang gagamba ay mga kasama ko ring nangunguha ng mga gagamba sa talahiban. May kanya kanya silang talento kung tutuusin. Si Noel ay magaling gumuhit at maglettering, sa kanya ako natutong gumuhit nung nagsisimula pa lang kaming kumopya ng mga drawing ni Larry Alcala at yung mga barok at kalabog and bosyo series sa komiks. Si Ging-ging naman (lalaki rin po siya) ay mahusay sa electronics, paghahalo ng kung ano anong drinks at paglilinis ng bahay. Siya rin ang pinaka pogi sa aming lahat, kamukha kasi siya ni Shaun Cassidy at Leif Garrett, kapag nasa bahay nila kami ay madalas ko itong nakitang nagsusuklay at kung may lakad kami, siya ang pinakamatagal maligo at magbihis. Kung meron namang bruce lee sa america nung araw, si Mecho naman ang Bruce Lee ng kankaloo. Mahilig ito sa martial arts, sa kanya ko unang nakita yung mga snake attack, bird stance at iba pang mga tungkol sa karate. Si Delyo naman ang pinakamadasalin sa aming lahat, maaga niyang natutuhan ang lumaban sa buhay dahil sinasama siya ng tatay niya sa paghahanap na pagkakakitaan para may maiahin sa hapag kainan at ang kapatid nya namang si Nono ang pinaka-bata sa aming lahat pero pinakamalaking bulas naman, kaya kapag may liga nung araw sa basketball, siya lang ang nakakalibre ng uniporme samantalang lahat kami ay nanonood lang sa kanya. Madalas pa rin akong mapasyal sa kankaloo dahil may bahay pa rin naman ang mga kamag-anak namin doon, kaya kapag may pagkakataon ay nakikibalita pa rin ako sa mga kababata ko doon. Nagsi-alis na rin kasi sila lahat sa kalookan maliban kay Ging-ging at Nono na doon pa rin nakatira. Si Noel at Mecho ay sa Cavite na kasi nakatira habang hinihintay na lang nila ang visa patungong Tate. Si Delio naman ay nasa Marilao, Bulacan na at masayang nagtataguyod ng kanyang pamilya. Hindi ko maiwasang ngumiti ng palihim tuwing malilibis ako sa lugar na kinalakihan ko. Para kasing nakikita ko pa rin yung araw na masaya kaming naghahabulan pataas at pababa sa naturang kalsada. Nakatatak pa rin sa isip ko yung hitsura nung gupit namin na may kaunti pang polbo sa patilya habang nagbabatukan kami kung sino sa amin ang may poklat. Naririnig ko pa rin yung bungisngisan namin kapag lumingon sa amin ang mga kababata naming babae tuwing sisitsitan namin. Yung unang hitit namin ng sigarilyo sa likod ng munisipyo kung saan may "home made" kaming pipa na gawa sa takip ng ballpen na hiniwa sa dulo. Yung pag-aangkasan namin sa una naming bisikleta kahit mag-amoy lupa na kami sa sobrang pawis. At sino ba naman ang makakalimot dun sa una naming panonood ng sine sa Recto kung saan halos magasgas ang mga double knit naming pantalon kasisiksik sa mga tao. Nasabi ko tuloy minsan sa sarili ko na sana dumating muli yung araw na magkita-kita uli kami, ulyanin man o hindi at subukin uli naming magpalipad ng saranggola habang pumapalakpak sa mga kalapating nagliligid sa ere.
Thursday, June 14, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment