Sunday, June 24, 2007

Jojo or Jay Taylor...my friend

Si Jojo (Jay, kapag mama niya ang tumatawag sa kanya) ay nag-iisang anak na lalaki, may kapatid siyang apat na babae at may sariling yaya para ibigay ang lahat ng pangagailangan niya. Kapit-bahay, kababata at higit sa lahat ay kaibigan ko siya. Malaking bulas si Jojo at kamukha ni Rudy Fernandez, pero torpe sa chicks, kaya nga nabansagan siya sa lugar namin sa Kankaloo na Bantrex (manok na 45 days pinalaki). Magkasabay kami kasama ang ibang mga kababata namin sa mga nakahiligan namin, nagsimula ito sa panghuhuli ng gagamba, pagpapalipad ng saranggola, pamamangka at paliligo sa ilog (yes enday may ilog pa noong araw sa Libis), pag-aalaga ng kalapati, paglalaro ng basketball sa bakuran nila (yes enday malaki ang bakuran nila dahil may kaya sila sa buhay), pambabasa kapag San Juan, pagpapakita ng mga bagong tule naming titi at hanggang sa pagsinghot. Hindi ko malilimutan ang araw nung katukin niya ang pintuan namin sa likod bahay at masayang ipinakita yung bagong bili niyang gitara. Isang imitasyon na Gibson, yaring Sta. Mesa. Kitang kita ko sa mata niya ang kasiyahan habang hinahagod namin ang kinis ng katawan ng gitara. Simula noon at halos gabi gabi ay nasa bubungan kami ng bahay nila bitbit ang gitara at makapal na Jingle. Doon ko nakita kung paano natuto si Jojo/Jay na kumalabit ng gitara, hanggang sa nabansagan na siyang Jay Taylor the bantrex guitarist. Masyadong obvious kung bakit siya natawag na Jay Taylor, dahil na rin siguro sa mga siprado niyang piyesa ni James Taylor. Hindi natatapos ang inuman namin sa bubungan ng bahay nila na hindi kami kakanta sabay sabay ng "Winter Spring Summer or Fall, all you got to do is callllll and i'll be there yes I will...". Matagal din namin na enjoy ang buhay binatilyo bago kami nagkahiwa-hiwalay upang sumunod sa idinidikta ng panahon. Nagkaroon kami ng kanya kanyang trabaho at nalipat sa ibat-ibang lugar, maliban kay Jojo na minabuting ipagpatuloy ang pagsinghot at manirahan sa bahay ng mama niya. Minsan isang araw ay may tumawag sa pinapasukan ko at nasa kabilang linya ang isa sa mga kababata namin, wala na raw si Jojo, ang dahilan? inatake, hindi ko malaman kung inatake sa sobrang pag gigitara o sa pagsinghot. Halos hindi ko na narinig ang iba pang sinasabi nung kausap ko sa telepono, dahil biglang umatras ang alaala ko sa masasayang araw at trip na pinagsamahan namin ni Jojo. Agad akong nagpaalam sa opisina ay mabilis na tinungo ang sasakyan upang puntahan ang labi niya sa bahay nila sa Kankaloo. Habang papalapit ako sa lugar ng aking kabataan ay iniisip ko kung kailan ako huling umiyak, ah naalala ko na, halos sabay kaming umiyak ni Jojo nung mamatay yung alaga naming kuliglig nung langgamin sa loob ng posporo. Tinatagan ko ang loob ko habang papalapit na ako sa labi ni Jojo, dahil alam kong mag-isa na lang akong iiyak ngayon habang hinuhuni sa isip ko ang "Winter Spring Summer or Fall, all you got to do is callllll...and i'll be there yes I will".


P.S-Habang sinusulat ko ang piyesang ito ay biglang nag-amoy mabangong bulaklak sa paligid ko kaya bigla tuloy akong napasinghot.

0 comments: