Saturday, June 23, 2007

long may you run

Naranasan mo na ba sa sarili yung minsan ay gusto mong tumakbo pero wala ka namang pupuntahan. Hindi tungkol sa jogging o pag eehersisyo ang gusto kong sabihin, kungdi yun bang gusto mo tumakbo sa kalungkutan o sa kahirapan. Kung minsan kasi bigla kang mapapatitig sa kawalan, pagkatapos ay parang tinatanong mo ang sarili mo, kung bakit ka nagpapakahirap ganung wala rin naman nangyayari sa buhay mo. Kaya nga ako ay madalas mangarap kapag nagtatawag ng antok. Iniisip ko na retirado na ako, nakahiga sa isang umuugoy na unan na nakatali sa pagitan ng dalawang puno ng niyog at kinakaskas ko ang mga paa ko sa pinong buhangin habang tinatanaw ang ganda ng dagat. Ang lakas makawala ng "stress" kapag ganito ang pinagtritripan ko. Pero bakit nga ba tayo nagkakaroon ng takot sa sarili natin, ganung wala naman tayong dapat ikatakot maliban lang dun sa mumo sa ilalim ng hagdan. Tanda ba ito na nagiging seryoso na tayo sa buhay natin o masyado lang tayong kinain ng bulok na sistema. Buti na lang at hindi ako magaling sa math, kasi kung naging magaling ako ay baka makuwenta ko ang itatagal ko na lang sa mundo at ang kinikita ko. Kung kasi kukuwentahin ko ito, malamang na ang magiging suma total ng buhay ko ay papunta talaga sa kawalan kahit magkandakuba na ako sa trabaho. Buti na lang libre ang mangarap.

0 comments: