Wednesday, June 13, 2007

chowking circa 2007 6:12

Hindi ko na sana ikukuwento ito kasi baka isipin nung iba na nagpapapogi points lang ako, weno naman kung magpapogi points ako, paminsan minsan ay kailangan din ng pipol nun para ba ma uplift ang spirits ng ibang makakatalisod ng journals ko. Lunch time kasi at naisipan kong magpanggap na mayaman kaya pumunta ako sa chowking para doon mananghalian. Pagdating ko ay matao na sa nasabing lugar, may mga nakapila na sa counter at kakaunti na rin ang available na mesa at upuan. Dumirecho agad ako sa counter para pumili ng makakain ko, habang nakapila ako sa counter ay may napuna akong isang matanda na naka-upo na at may mga nakapatong sa mesa na dala-dalahan niya. Pagtapat ko sa customer service ay umorder agad ako ng isang sweet and sour lunch set, ito yung may breaded pork na lumalangoy sa sweet and sour sauce, may dalawang beef siomai, butche, labing-isang maliit na parang chicharon (bilangin nyo rin yung order nyo minsan), rice at pancit canton. Dahil na rin hindi ako mahilig kumanton, err I mean kumain ng pancit canton, binilinan ko na agad yung nakatayo sa counter na pakibalot na agad yung pancit canton at ite take out ko na lang, humingi na rin ako ng sabaw, chili garlic, kalamansi at pina upsize ko ang aking inorder na ice tea, binilinan ko pa yung customer service na huwag kalilimutan yung ice tea ko na lagyan ng yelo. Klik Klak total, sabay bayad at iseserb na lang daw yung order ko kaya binigyan ako ng number na nakadikit sa isang plastic na korteng paper weight, my number? 9,624. Naupo na ako sa malapit sa pintuan para kung magkaroon man ng kaguluhan at magkatakbuhan ay madali akong makakadampot ng mga naiwanang cellphone at makakalabas agad ako sa pinto. Habang nagmumuni muni ako ay bigla nang dumating yung order ko, sir number 9,624 ito na po yung order nyo at yung pinabalot ninyong pancit canton, may kulang pa ho ba? sambit nung nagserb na guapong waiter...hindi ko na sinagot ang tanong niya at nag sign of peace na lang ako sa waiter, and according to my daily ritual ang inuna kong nilantakan ay yung hot soup na gawa sa pinakuluang chicken joy, yes kaya masarap ang sabaw sa chowking at dahil galing sa chicken joy broth ang sabaw na pinamimigay nila. Sumunod ay ang main course na ang tinira ko at pagkatapos nito ay naghimagas ako nung labing isang maliit na parang chicharon. Nung lalantakan ko na yung buche na kasama sa order ko ay napuna ko yung kaninang matandang babae na nag-iikot sa mga mesa nung mga customer na tapos nang kumain at nakaalis na. At dahil na rin nagkaroon ako ng kaunting training sa counter intelligence ay sinundan ko ng tingin ang kilos ng matandang babae. Maya maya pa ay napuna ko na ininom niya yung natirang softdrinks sa mesa, kakaunti lang yung natirang softdrinks parang kasukat lang nung isang tagay na emperador kung titignan mo. Bigla tuloy nagflashback ang isip ko, hindi ba ito yung kaninang naka-upo sa isang mesa na may mga dala-dalahan na buong akala ko ay hinihintay lang yung kasama niya na umoorder sa counter, iyun pala ay naghihintay siyang matapos ang mga kumakain, at kung may matira ay lalapitan niya ang mesa bago pa man mailigpit nung mga waiter ang mga tirang chibog at ito ay kakainin niya. Bigla akong nakadama ng pagka-awa dun sa matandang babae (enter music here kahit anong music basta malungkot), kasi kung titignan ko yung ale sa palagay ko ay malalaki na rin ang anak nito at maaaring nagtratrabaho na rin, pero heto siya sa magulong mundo ng chowking at nakikihalubilo sa mga kustomer at nagpapanggap din isa siyang customer para makakain ng tira ng ibang tao. Halos hindi ko malunok ang laway ko sa nasaksihan kong kaganapan. Bigla tuloy akong napatingala at nagpasalmat sa Diyos sa katatapos ko lang na biyayang natanggap sa kanya at sabay tanong ko din sa Diyos kung bakit may mga tao pa ring nagugutom, buti na lang at hindi siya sumagot kundi baka hinimatay pa ako sa loob ng chowking. Bigla tuloy napukos ang isip ko sa matandang babae at inobserbahan ang mga kilos niya. Sa aking pagoobserba ay nakita ko na talagang gutom lang siya at hindi miyembro ng salisi gang, kasi hinihintay muna niyang makaalis ang mga tao sa mesa bago niya lapitan ang nasabing mesa at kainin ang mga natirang pagkain. Matagal ko na rin siyang napagmasdan sa mga galaw niya at nung nakita kong halos kakaunti na rin ang nagtitira ng pagkain sa kanilang mga mesa dahil na rin siguro sa kahirapan ng buhay, kaya ako na mismo ang lumapit sa matanda at nang magkasalubong kami ay walang kagatol gatol na iniabot ko sa kanya yung pinabalot kong pancit canton at sinabi kong kainin na niya ito. Hindi na siya kumibo ay tinitigan lang niya ako, sa kanyang pagtingin sa akin ay nakita ko sa kanyang mga mata na sinagot na ako ng Diyos sa tanong ko kanina.

0 comments: