Saturday, June 23, 2007

lola koring

Si Lola Koring ay ermat ng ermat ko. Ma. Socorro ang tunay na pangalan niya. Sa kanya rin isinunod ang pangalan ng utol kong chick. Tubong kankaloo kaya medyo matigas ang paninindigan sa buhay. Ma barker ang turing nung araw sa kanya sa Libis, hindi dahil sa lagi siyang may dalang thompson, kundi dahil napalaki niya ang mga anak niya na may disiplina. Nagkaroon ako ng pagkakataon na abutan si Lola Koring (dedbol na siya sa edad na nubenta'y otso, pero pinipilit niyang nubenta'y nuebe na siya, bastos). Marami akong narinig na kuwento nung araw sa kanya. Mga simpleng kuwento ng buhay, katulad na lang kung paano kang magpalambot ng garbansoz at ang tamang paghahalo ng ube para hindi masunog. Sa kanya rin ako nakatikim ng lutong sinabawan na manok na maraming kasamang itlog na hindi pa nakabalot sa shell. Isa siya sa pinakamasarap magluto sa Libis nung araw. Ang bahay nila dun sa Libis ay sa tabing kalsada, kaya kapag nakaistambay ako sa bahay nila ay madalas niya akong kuwentuhan tungkol sa mga taong dumadaan sa harap ng bahay nila. Nanjan si Mang Nonchong na kilalang palasimba, kaya maagang kinuha ni Lord. Si Mr. Lorenzo na isang pulis, ito yung pulis na alam natin nung dati na kapag nakita mo ay tumatakbo ka palapit para magmano o mag magandang gabi. Hindi katulad ng mga pulis ngayon na kapag nakita mo ay pumapasok ka na agad ng bahay dahil baka matresyon ka ng hindoropot. Kay Lola Koring ko din narinig ang salitang hindoropot. Minsan sa isang kaswal ng kuwentuhan namin ay tinanong ko siya kung ano ang ibig sabihin ng hindoropot. Salitang kalye ba ito na nag-ugat sa salitang hindot. Ang sabi niya sa akin ay wala itong kinalaman sa masamang salita o mura, kungdi yung nakasanayan na lang niya itong banggitin kapag natutuwa siya o naiinis sa kahit anong bagay. Kapag daw dumaan ang magbabalot at gusto niyang bumili pero hindi niya kilala yung tao, ay hindoropot ang tawag niya sa magbabalot. Kung namimili naman siya sa palengke at gusto niyang tawaran ang paninda pero hindi siya binigyan ng discount nung nagtitinda, hindoropot din ang tawag niya doon. Ako mismo ay hindoropot daw dahil marami akong masyadong tanong. Nanghihinayang nga ako dahil nung nakakakuwentuhan ko si Lola Koring ay medyo bata pa ako. Sana ay umabot siya ng ilang daang taon pa at inabutan niya ang pag-eedad naming mga apo niya para masarap lalo ang kuwentuhan namin. Gusto ko kasi siyang tanungin kong ano ang masasabi niya sa mga bagong sibol na politiko, sa estado ng ekonomiya ng bansa natin, hindi lang puro tungkol sa panahon ng hapon na iniistorya niya at tungkol sa luwag ng trapiko nung araw. Pero hindi bale darating ang panahon at alam kong darating iyon at maririnig kong muli ang mga kuwento ni Lola Koring minus the hindoropot, bastos.

0 comments: