Ngayon ay piyesta sa San Juan o Feast of St. John the Baptist. Kasabay nito ang araw ng Manila at ang parada ng lechon sa Balayan Batangas. Hindi ko malilimutan ang araw na ito kahit hindi ako tubong San Juan kung saan Ejercito lang ang natatandaang apelyido ng mga naninirahan doon. Ito kasi ang araw na inaabangan namin ng mga kababata ko sa Kankaloo nung araw, dahil kapag piyesta ng San Juan ay naging tradisyon na ang pagbabasaan. Maaga pa lang sa Kankaloo ay nakahanda na ang mga bombit bombitan namin nung araw. Kasama ko si Jojo/Jay (R.I.P), Lando, Rone (Ronnie). Kahit alam naming walang kinalaman ang Kankaloo sa piyesta ng San Juan ay nakikiselebreyt na rin kami sa pamamagitan ng pambobombit sa mga taong dumadaan sa Libis. Nakakatuwang maalala, halos naririnig ko pa rin ang hagikgikan habang nilulusob namin ang mga kapit-bahay na papasok sa kanilang mga opisina. Nung dati ay puede mong gawin ito sa mga kapit-bahay ninyo dahil medyo maluwang pa ang buhay at maunawain pa ang mga tao. Ngunit subukin mong gawin ito ngayon sa mga tao, baka sinelasin ka niya. Ilan taon din naming naging tradisyon ang mambasa kapag piyesta ng San Juan. Halos nagbinata na kami ay kilala pa rin kami sa ganoong modus operandi. Natutuwa nga sa amin yung mga matatanda sa lugar namin dahil hindi daw kami nagsawa sa pambabasa tuwing darating ang nasabing okasyon. Natigil lang ang ganitong libangan namin nung madiskubre na namin yung tindahan sa kanto ng Sangandaan at nung mahilig na kaming tumipa nang gitara habang nakaistambay sa bubungan ng bahay nila Jojo/Jay.
Sunday, June 24, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment