Thursday, June 21, 2007

dream a little dream for me

Naranasan nyo na bang makipag-usap sa mga taong grasa o yung mga batang kalye kung bakit sila nagkalat sa kalsada? Ano kaya ang iniisip ng mga damuhong ito. Kasi kung tutuusin ay hindi naman sila basta na lang lumabas sa mundo na parang singaw, kaya siguradong may mga magulang din ito. Nagtataka lang ako kung bakit mas gusto nilang kumalat sa kalsada at doon na manirahan. Sanhi rin ba ito ng kahirapan, pero puede ka namang umuwi ng tahanan mo kahit na sobra ang hirap ng buhay, kesa umistambay ka sa kalye. Nung isang araw kasi ay nagkaroon ng kaunting pagsisikip ng trapiko sa may J. P. Rizal, Makati. Ang dahilan? isang babaeng mukhang may kapansanan sa isip ang nakitang nakaupo sa gitna ng kalsada. Isa ako sa nag-usyoso kung bakit naisipan niyang umupo sa gitna ng kalsada. Nakakaawa ang hitsura niya, hindi dahil sa marumi na ang suot niya kungdi naawa ako, dahil alam kong alam pa rin niya ang kanyang ginagawa kaya lang ay hindi na makontrol ng kanyang isip, dahil na rin siguro sa gutom at sa dami ng problemang iniisip. Balak ko siyang lapitan para tanungin kung ano ang kanyang iniisip o kaya ay alukin kung gusto niyang kumain, ngunit hindi na ako nakalapit dahil na rin balot na siya ng mga taong gobyerno ng makati. Sariwa pa rin sa isip ko, ilan taon na ang nakakaraan, nung naisipan kong kumain sa isang pizza parlor sa bandang Araneta center. Kaunti lang ang inorder ko noon, dahil na rin sa nag-iisa lang ako. Pero nung nagsisimula na akong kumain ay may kumatok sa babasaging salamin ng nasabing pizza parlor. Nung aking lingunin, sila ay mga batang kalye, apat sila at sumesenyas sa akin ng chicha, ika nga ay humihingi ng chinichibug ko. Tinitigan ko muna ang mga mata nila bago ko senyasan na mag-sipasok sa loob ng naturang pizza parlor. Sa pinto pa lang ng nasabing kainan ay pinigil na sila ng jaguar na nakatalaga sa pinto. Kaya tumayo ako mula sa aking mesa at nilapitan ko yung jaguar na nakatalaga sa pinto upang sabihing pinapapasok ko ang mga batang kalye. "Sir bawal po sila dito sa loob" ang sambit nung jaguar sa akin. "Bakit?" ang tanong ko sa kanya. "Kasi po ay marurumi sila" ang sagot niyang muli sa akin. Nilingon ko muna ang paligid nung nasabing pizza parlor kung may dress code sila, nung makita kong wala namang nakapaskel na dress code ay sinabi ko sa jaguar na "mga bisita ko ang mga batang iyan kaya dapat mong papasukin sila at kakain kasi kami". Walang nagawa ang jaguar kungdi papasukin na rin ang mga batang kalye. Nang makalapit na kami sa mesa ko ay hindi ko na nagawang alukin silang kumain, sila na mismo ang dumakma nung kinakain kong pizza. Umorder pa uli ako ng isang set ng pizza at nilantakan pa rin nila ito, habang nanonood na parang nandidiri ang ibang kumakain. Naisip ko tuloy sa sarili ko na mas masuwerte kayong mga nandidiri sa mga batang ito, dahil kayo ay nakakakain ng ganitong klaseng pagkain tuwing gusto ninyo. Pero para sa mga batang ito, ang pagkakataong ito ay parang pasko na sa kanila. Nung papalabas na kami ng mga bata sa naturang pizza parlor ay humingi ng dispensa ang jaguar sa akin sa mga ikinilos niya. Nginitian ko na lang siya at sabay lunok sa laway ko na kanina pa namumuo sa lalamunan ko.

0 comments: